Talagang may ilang bugok na alagad ng batas na kasabwat ng mga snatchers at holdapers. Bata pa akoy may ganyang katiwalian na. Pero mas malala ngayon ang tinatawag na street crimes. Pati ang pagbebenta ng droga ay malaya nang nagagawa sa kanto-kanto. Kasi nga, ang mga masasamang loob ay protektado ng ilang pulis. Hindi ko nilalahat pero nagdudumilat ang katotohanan na may mga naturingang alagad ng batas pero kasabwat ng mga bumabali ng batas.
Isa pa, ang atensyon ng buong gobyerno, kasama na ang pulisya at militar ay nakatuon sa mas malalaking security threats tulad ng NPA, terorismo at iba pa. Dahil diyan, napapabayaan ang mga maliliit na krimen. Ang masaklap, ang mga karaniwang gumagawa ng petty crimes sa lansangan ay mga kabataan. Kabataang dapat sanay pag-asa ng bayan. Nung panahon ni Mayor Fred Lim, mayroong tinatawag na Manila Junior Police (MJP). Binubuo ng mga tin-edyer na unipormado na bagamat walang dalang baril ay kaagapay ng mga senior police sa implementasyon ng batas. Ang namumuno rito ay si dating Tinyente Tony Cruz (Kapitan na ngayon). Siya ang namumuno ngayon sa Station 1 sa Gagalangin, Tondo, Manila.
Kung tutuusin, starvation post ang mamuno sa MJP para sa opisyal ng pulis. Walang dilihensya, ika nga. Sasailalim nga sa heart bypass operation itong si Cruz at hindi niya alam kung saan kukuha ng P300 libo para sa kanyang operasyon. Kantiyaw ko sa kanya, hindi ka kasi marunong mangotong eh. Kahit walang delihensya, masama ang loob ni Cruz nang magiba ang MJP. Krusada kasi niya na mapanuto ang mga batang naliligaw ng landas. Alam ko dahil nag-uumpisa pa lang ako sa radyo (Voice of the Philippines) noong 1970s ay magkasama na kami ni Kapitan. PFC pa lang siya nang siyay naka-assign sa Youth Reception Center sa Arroceros.
Bakit inabolish ang Junior Police? Magandang programa ito para ilihis ang kabataan sa masamang bisyo at barkada. Sa murang gulang, natututo pa ang mga batang ito na maging makabuluhang kasapi ng lipunan. Kung ang mga kabataan ay huhubuging maging produktibong mamamayan, tiyak kong mababawasan kundi man tuluyang maglalaho ang kriminalidad.