Pero nung una kong bisita, namangha ako. Ibang klase ang lugar. Simple lang: Isang di-pinturadong bungalow, isang kubeta, at maraming statues ng Birhen Maria at Hesukristo sa malawak na hardin. Hindi ako handa sa buong araw ng pagdadasal. Naiinip ako dahil maraming appointments nung araw na yon. Pero nadala ako sa kantahang papuri sa Diyos, at sa kuwentuhan kay Sis Glo. Maghapon na ako roon. Pabalik-balik na rin simula noon. Spiritual healing daw yon, sabi nila.
Marami akong nasaksihang physical healing. Minsan isang batang lalaking ilang buwan na raw paralisado ang inilapit kay Sister Glo. Hindi siya makalakad, buhat-buhat lang ng ina at tiya sa upuan. Hinimas ni Sis Glo ang binti ng bata. Ilang minutong dasal, naglakad ang bata, bagamat iika-ika. Napaluha ang inat tiya. Tumayo ang balahibo ko. Sabi ng bata, "Thank you, sister." Sabi ni Sis Glo, "Sabihin mo, thank you, Jesus."
Kararating lang ng isang doktor doon nang maaksidente. Naisara ang pinto ng kotse sa kamay niya. Dumugo ang dalawang daliri; basag ang buto. Hinugasan ni Sis Glo ang sugat sa tabing-balon. Nagdasal kay Hesukristo. Doktor na ang nagsabi: Sumara ang sugat, humilom ang buto.
Malalakit maliliit na himala ang nagaganap sa center. Matapos dasalan ni Sis Glo, mga may terminal cancer ay hindi na kailangang mag-chemotherapy. Mga lumpo, lumalakad. Mga pusong-bato, natututong magpatawad. Mga walang sampalataya, nagiging madasalin.