Tinugis ng mga sundalo ang namataang suspected Pentagon members sa border ng North Cotabato at Maguindanao noong nakaraang linggo. Subalit lumubha ang sitwasyon sapagkat kinupkop ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga kidnapper. Nasa isang village na malapit sa Pikit, North Cotabato ang kampo ng MILF at sinasabing santuwaryo rin ng Pentagon group. Ang pagkupkop ng MILF sa mga kidnapper ay hindi magandang pangitain lalo pa at may isinusulong na usaping pangkapayapaan ang pamahalaan sa rebeldeng grupo. Nagkaroon ng labanan. Sundalo laban sa magkasanib na puwersa ng MILF at Pentagon. Marami ang napatay. Batay sa pinakahuling report, 157 rebeldeng MILF na ang napapatay samantalang apat sa panig ng mga government soldiers.
Matagal nang minamanmanan ng military ang mga kidnapper at noong Sabado nga nila naispatan. Ang Pentagon ang responsable sa pambobomba sa Datu Piang, Maguindanao noong nakaraang December. Nakalagay na sa talaan ng United States ang Pentagon Gang bilang mga terorista. Tinatayang may 1,500 hanggang 2,000 MILF rebels ang kumukupkop sa mga kidnapper.
Hirap na hirap na ang kalagayan na mga taga-Pikit dahil sa patuloy na pamamayagpag ng Pentagon Gang. Hindi na natahimik ang kanilang buhay. Kapag may nangyaring kidnapping ang kasunod niyon ay ang pambobomba ng military sa grupo. Natutulig na sila sa pinakawawalang bomba para sa Pentagon at nakapagtatakang hindi naman maubos sa kabila na may mga pinuno nang nadakip. Pero ngayoy tiyak na mahirap ngang maubos ang mga kidnaper sapagkat kinakandong sila ng MILF.
May katwiran si Mrs. Arroyo na ituloy ang pagbomba. Durugin na sila kabilang ang mga kumukupkop na rebelde. Maitatanong kung dapat pa nga bang makipag-usap sa MILF na kumakandong sa mga halang ang kaluluwa. Hindi kaya nagsasayang lamang ng panahon sa pakikipag-usap at pagkaraan ay sasaksakin ka sa likod.