EDITORYAL – Ilantad ang detalye sa IPP contract

KAHIT na ipinag-utos na ng Korte Suprema sa Manila Electric Company (Meralco) na ibalik ang sobrang siningil sa consumers, walang natutupad sa kautusang ito. Naghihintay ba ang mga consumer sa wala? Ngayong grabe na ang kahirapang dinaranas ng taumbayan dahil sa walang tigil na pagtaas ng mga bilihin, dapat namang maging makatwiran ang Meralco na sundin ang utos ng Kataas-taasang Hukuman na ibalik sa consumers ang kanilang ibinayad. Ang sobrang singil ay nagsimula pa noong 1994. Mula nang mabuking ang kontrobersiya, tila tahimik na ang pakikipaglaban ng mga nagsusulong sa nasabing usapin.

At habang hindi pa ibinabalik ang kanilang sobrang siningil, nakapagtatakang patuloy pa rin naman sa paniningil ang Meralco sa kontrobersiyal na purchased power adjustment (PPA). Marami ang nalilito kung bakit patuloy pa rin ito at hindi naman bumababa ang singil kundi tumataas pa. Kapag tumaas ang konsumo, tumataas din ang PPA. Ang kalituhan sa PPA ay nagdudulot ng panibagong problema kung saan hahagilap ng pambayad sa koryente.

Malaking bahagi ng PPA ay napupunta sa mga independent power producers (IPPs). Iyan ang isang katotohanan kaya patuloy ang pagtaas ng singil ng Meralco. Taliwas ito sa sinabi ng gobyerno na kapag dumami ang nagsusuplay ng enerhiya, bababa ang koryente. Lalo pang tumaas at nagpahirap. Ang isang nakapagtataka hindi naman gaanong nalalaman ng taumbayan ang tungkol sa IPPs. Marami sa consumers, lalo na ang mahihirap na walang kaalam-alam kung ano ba ang mga IPP na ’yan. Iyan ba ay mga hayop o maligno? Kulang sa pagpapaliwanag ang Meralco o ang gobyerno tungkol sa IPP.

Dapat ding ilantad ng gobyerno ang mga detalye sa IPP contract upang maging maliwanag sa lahat. Isa si Sen. Teresa Aquino-Oreta na humihiling sa gobyerno na i-disclosed ang mga detalye sa kontrata. Ang hakbang ni Oreta ay bunsod na rin sa sinabi ni Finance Sec. Jose Isidro Camacho na karamihan sa mga IPP contract ay walang nahihita ang gobyerno. At mula aniya ng sabihin ni Camacho ang tungkol sa kontrobersiya ng IPP contract may ilang buwan na ang nakararaan, wala nang narinig tungkol dito. Ilang buwan na ang nakararaan, sumabog ang kontrobersiya tungkol sa panunuhol ng Industrias Metalurgicas Pescarmona Sociedad Anonima (Impsa) na nagkakahalaga ng $14 million para makakuha ng kontrata sa gobyerno.

Panahon na para malaman ng lahat ang mga nilalaman ng kontrata sa iba pang IPPs. Ipaalam ito sa mga kawawang consumers.

Show comments