EDITORYAL – Maling pahayag nakabubulag

KUNG hindi magiging maingat sa pagsasalita o paghahayag ang mga itinatalagang opisyal ni President Gloria Macapagal-Arroyo, hihilahin siya pababa ng mga ito. Maraming ulit nang nagkamali sa paghahayag ang karamihan sa mga opisyal ni Mrs. Arroyo. Noong nakaraang taon, maraming beses "nakoryente" ang Malacañang dahil sa pag-aanunsiyo ng maling balita. Isang pagkakataon ay nang ihayag ang pagkakadakip sa isang mataas na leader ng Abu Sayyaf, na sa dakong huli ay hindi naman pala totoo. Minsan, may mga opisyal na nauuna pang magsiwalat ng mga sisibaking Cabinet member sa Malacañang kahit na wala namang sinasabi si Mrs. Arroyo. Malaking kalituhan sa taumbayan ang nangyayaring ganito.

Si National Security adviser Roilo Golez ay hindi naiiba sa kanila. Ipinahayag ni Golez noong Linggo na ipinag-utos na umano ni Mrs. Arroyo ang pagsasara sa Philippine Embassy sa Baghdad, Iraq bunga ng napipintong giyera roon. Ang pahayag ni Golez ay tinaglay nang halos lahat ng mga diyaryo noong Lunes. Sinabi ni Golez, nagsisilbi ring "crisis manager" ni Mrs. Arroyo sa Middle East na simula Martes (kahapon) ay isasara na ang embahada sa Iraq. Apat na personnel na lamang umano ang nasa Philippine Embassy.

Pero kahapon ay pinabulaanan ng Malacañang ang pahayag ni Golez. Wala raw ganyang pahayag ang Presidente. Sinabi ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye: "There is no such order from the President." Sa isang report sinasabing hindi nagustuhan ng Malacañang ang ipinahayag ni Golez. Naghugas-kamay naman agad si Golez at sinabing hindi niya sinabing isasara na ang Philippine Embasy sa Iraq.

Maraming nagkakamali. Pero naiwasan sana ang pagkakamali kung mayroong koordinasyon sa bawat isa. Ano ang nangyayari sa opisyal ni Mrs. Arroyo, nagkakanya-kanya na ba?

Isa sa maaaring dahilan ay ang napakaraming trabaho. Bukod sa pagiging National Security Adviser ay "crisis manager" pa si Golez. Puwede bang mamangka sa dalawang ilog? Itinalaga nang ambassador sa mga overseas Filipino worker (OFW) si Roy Cimatu at pinuno ng Middle East Preparedness Team (MEPT). Bakit kailangan pa ng "crisis manager". Sa palagay namin hindi na kailangan pang maging crisis manager si Golez at tutukan na lamang niya ang mga nangyayari sa bansa. Nahahantong lamang sa "krisis" ang kalagayan ni Mrs. Arroyo dahil sa mali niyang pahayag.

Show comments