Sige ituloy n'yo lang!

SAMUT-SARI ang inyong mga nababasa sa kolum kong ito. Hindi namimili at walang pinipili.

Kapakanan ng mga nakakarami ang lagi naming isina-alang-alang. Mga bagay na nagbibigay kaalaman laban sa PANG-AABUSO, PANLOLOKO ninuman at KAPABAYAAN ng mga kinauukulan.

Sa uri ng aking trabaho bilang ‘‘investigative journalist’’ sa larangan ng diyaryo, radyo at telebisyon, marami na akong nasagasaan. Hindi ko na mabilang at wala rin akong pakialam bilangin pa!

Ilan sa kanila ang mga ‘‘nasakote’’ ng ating alagad ng batas matapos ang matagumpay na ‘‘entrapment operation’’ sa pakikipagtulungan ng aming surveillance undercover team sa ‘‘BITAG.’’

Kabahagi na ang panganib sa trabaho kong ito ‘‘Markado’’ na ang aking pangalang TULFO. Hindi mag-atubili ang aking mga nasagasaan na isagawa ang kanilang maiitim na balakin, hangga’t may pagkakataon.

Naghahanap lang ang mga tarantado’t duwag na ’to ng oportunidad o pagkakataon matiyempuhan ang sinuman sa TULFO. Tanggap na namin ’to. Isang reyalidad sa propesyong aming naibigan.
* * *
MAHIGIT isang linggo ng nagpaparamdam sa akin ang mga hinayupak na walang bayag. Umaali-aligid ang mga ito sa aking tanggapan. Walang pinipiling oras kuno! Tanghali man o gabi matao man o hindi.

Ang gustong palabasin ng mga putok sa buhong ’to, wala silang pakialam kahit na sa mismong ‘‘balwarte,’’ ko kaya nilang pasukin anumang oras.

Iba’t ibang sasakyan ang kanilang ginagamit sa pag-aaligid. Mitsubishi L-300, Tamaraw FX, Toyota Corola. Tsk… tsk… tsk… Pero nung natunugan nila na kinakasa na namin ang aming BITAG, magaling palang umiwas.

Itong isa sa kanila, Mitsubishi Adventure, two tone green sa itaas silver sa ibaba, ang plaka XDU-193. Magaling manduro. Pero pinahanga nila kami. ‘‘It takes more courage to RUN like hell, than face the consequence of your action.’’

Alam ng mga pendehong nakasakay, wala na ako at aking mga security back-up. Nag-drama lang pala. Pumarada pa raw sa harapan mismo ng aming tanggapan.

Maaring hindi alam ng mga dupang, hulog sila sa aming surveillance camera. Makikita ang kababawan ng mga BOBONG ’to sa estilo ng kanilang ‘‘casing.’’

Kahit na ‘‘heavily tinted’’ ang kanilang sasakyan, kahit hating-gabi pa, hindi makakaligtas sa ‘‘teknolohiyang’’ ginagamit ng ‘‘BITAG’’, kung pag-uusapan ay surveillance.

Kaya kayong mga sangkaterbang estupido’t mga bobong nasagasaan namin na may maitim na balakin, ituloy n’yo lang! Mag-iwan pa kayo ng inyong mga ‘‘marka’’ (clues) sa amin. tsk… tsk…tsk…

Uulit-ulitin ko na parang sirang plaka, hindi ko alam ang ibig sabihin ng salitang TAKOT o ATRAS. Sige ituloy n’yo lang…

Show comments