Ngunit tulad din ng anumang organisasyon, may mga hamon at mga intriga ring nagaganap sa hanay ng mga bumubuo nito, katulad ng usapin tungkol sa pagkakasibak ng dating pangulo nito na si Jun Acedillo.
Sinibak ng VACC Board of Trustees (BOT) sa tungkuin si Acedillo dahil sa kawalan ng kumpiyansa sa kakayahan nito at bunga na rin ng mga reklamong iniharap, hindi lamang ng BOT kundi pati na ang mga kasapi nito.
Ngunit nakalulungkot malaman na sa kabila ng unanimous decision ng BOT ay hindi matanggap ni Acedillo ang desisyon, bagkus ay pinalaki pa ang usapin sa kanyang pag-atake sa akin patungkol sa mga personal na bagay.
Sa halip na harapin at tanggapin ni Acedillo ang kanyang mga pagkukulang sa VACC bilang opisyal nito, tila nais niyang ibahin ang usapan nang ibunyag niya ang aking usaping personal at pang-negosyo.
Isiniwalat ni Acedillo ang isyu ukol sa death benefit claims ng asawa ng isang seaman na namatay noong Abril 13, 1997, na ngayon ay sumasailalim sa isang imbestigasyon. Ang seaman ay namatay habang nagtatrabaho sa barko na siniserbisyuhan ng aking kompanya.
Katulad ng anumang negosyo, hindi maiaalis ang problema sa anumang uri ng hanapbuhay. Ngunit ito ang tila lumalabas na ginawang hakbang ni Acedillo upang makaganti sa akin dahil sa pagkakasibak niya sa puwesto. Ngunit ang nakatatawa dito ay nasibak siya sa pamamagitan ng isang Board Resolution at hindi ng pansariling desisyon.
Ang kaguluhang ito na nagtatangkang sumira sa VACC ay hindi dapat manaig. Ang Board Resolution na nabanggit ay ang boses ng lahat ng bumubuo sa samahan na dapat igalang at tanggapin ni Acedillo.