Marami ang nagsasabi na mababatbat ng dayaan ang darating na 2004 elections. Babaha umano ang perang ipamumudmod sa mga botante. Sabagay hindi na naman ito kataka-taka. Nasa kultura na ng mga Pinoy ang maging madaya lalo na sa election.
Ngayong naaprubahan na ang Absentee Voting Bill, tiyak na nahaharap na naman sa problema ang Comelec sapagkat maaaring magkaroon ng grabeng dayaan. Mahigit pitong milyong overseas Filipino workers (OFWs) ang makaboboto na sa 2004. Inaprubahan na ng Senado noong Martes ang Absentee Voting Bill. Maaari nang makapili ng ibig nilang leader ang mga OFWs na hindi katulad sa mga nakaraan. Isang senador lamang ang hindi pumabor sa nasabing batas sapagkat lalabagin daw umano ang nakatadhana sa Konstitusyon. Sinabi ni Sen. Joker Arroyo na malalabag ang constitutional provisions tungkol sa residency requirements and citizenship ng Pinoy voters. Malaking problema aniya kapag itinuloy ang batas. Malulutas lamang aniya ito kapag ini-ammend na ang Konstitusyon.
Maganda ang batas sapagkat maaari nang makaboto ang mga OFW. Maaari na silang makilahok at hindi na masasayang ang karapatang bumuto kahit na saang panig ng mundo. Dati ay nakaabang lamang ang mga OFW sa tunay na nangyayari sa Pilipinas sa panahon ng election subalit ngayoy hindi na.
Ngayon pa lamang ay dapat nang ihanda ng Comelec ang kanilang sarili para paghandaan ang 2004 elections. Siguruhing ang mga ika-cast na balota ng mga OFWs ay mabibilang at hindi gagamitin para sa dagdag-bawas. Isulong na rin ang modernisasyon sa Comelec. Sa ganitong paraan lamang masisiguro na ang boto ng mga OFW ay hindi masasayang at mapupunta sa kanilang pangarap na lider.