At kung mapugutan man ng ulo itong si Sec. Lina dapat isama ring maparusahan itong si Chief Supt. Oscar Calderon, ang hepe ng pulisya sa Central Luzon. Kasi nga hindi rin umubra ang jueteng-free na ipinagyayabang ni Calderon sa nasasakupan niya. Karamihan kasi sa mga jueteng den na sinalakay ng NBI ay sa Central Luzon kayat ibig sabihin duling lang itong si Calderon kayat hindi niya nakikita ang ilegal na sugal sa lugar niya. Baka naduling siya sa kabibilang ng natanggap niyang intelihensiya, anang mga pulis na nakausap ko. He-he-he! Iisa talaga ang bulsa ng mga opisyales ng pulisya natin.
Kahit imported pa ang gagamiting salamin ni Calderon hindi niya makikita ang jueteng den ni Melchor Ngongo Caluag diyan sa Central Luzon lalo na sa hometown ni President Arroyo na Pampanga. Nabingi na rin siguro si Calderon sa pagtatawag ng mga politicians na huwag pahintuin itong si Ngongo kaya hindi niya maririnig ang mga sumbong ng sambayanan na tuloy pa rin ang jueteng diyan sa area niya. Naniniwala pa ba ang pamunuan ng PNP at Malacañang sa jueteng-free policy mo ha Gen. Calderon Sir? Panay kayo bola! Ano ba yan?
At hindi lang yan. Itong Region 3 na sakop ni Calderon din ang nanalong Best Regional Command nitong nagdaang 12 founding anniversary ng PNP, anang mga pulis. Baka naman paramihan ng pa-juetengan ang ginawang basehan ng award kayat nanalo ang Region 3, ayon pa sa mga pulis na nakausap ko. Hindi biro manalo ng naturang award ang isang command pero sa tingin ko si Calderon lang ang magyayabang sa kanyang sarili sa kanyang accomplishment dahil alam ng lahat na bigo siya sa jueteng-free policy niya. Siya lang kasi ang hindi nakakaalam na sumemplang siya. Ano ba yan?
Ang matagumpay na raid ng NBI sa jueteng ang magpapatunay mga suki na hindi na sinusunod ng kapulisan ang mga kautusan ni Lina. Papaano makahuli ng ganyang karaming gambling lords sa bansa? Tanong lang. At ang malungkot niyan, kahit hindi na siya sinusunod ng ating pulisya panay pa rin pakulo ni Lina at nitong huli nga ay loose firearms naman ang pinatulan. Habang tuluy-tuloy ang jueteng campaign ng NBI dapat magsagawa rin ng malawakang kampanya ang PNP para hindi mapahiya si Lina, di ba mga suki. Para mapatunayan ni Lina sa Palasyo na may asim pa ang laway niya.