Si Jesus at ang kanyang pamilya

KATATAPOS lamang nating ipagdiwang ang Ikaapat ng Pandaigdigang Pagpupulong ng mga Pamilya dito sa Maynila. Ito’y naging matagumpay, puno ng napakaraming mga biyaya. Ang mga panauhin mula sa iba’t ibang bansa ay namangha sa mainit na pagtanggap sa kanila ng mga Pilipino. Mga laiko, kaparian, mga Obispo at mismong ang Papal Legate ay namangha sa mga Pilipino.

Sa Ebanghelyo na ating pagninilayan ngayon, ipinakikita ni Jesus sa atin ang isa pang uri ng pamilya. Basahin kung paano isinalarawan ni Jesus ang tinatawag niyang kanyang pamilya (Mk. 3:31-35).

"Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Sila’y nasa labas ng bahay at ipinatawag siya. Noon nama’y maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus, at may nagsabi sa kanya, ‘Nariyan po sa labas ang inyong ina at mga kapatid; ipinatatawag kayo.’ ‘Sino ang aking ina at mga kapatid?’ ani Jesus.

Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot niya at nagwika: ‘Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang tumatalima sa kalooban ng Diyos ay siya kong ina at mga kapatid.’"


Para kay Jesus, ang espiritwal na pagkakapatiran ay nangunguna kaysa sa mga ugnayan sa dugo. At ang espiritwal na pagkakapatiran ay nagmumula sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. Kung kaya’t sa katunayan, hindi itinatatwa ni Jesus ang kanyang inang si Maria. Hindi niya itinatatwa ang ugnayan niya sa dugo sa kanyang ina. Kung tutuusin, pinupuri niya siya. Pagkat walang sinuman kahit kailanman ang nakatupad sa kalooban ng Diyos nang hihigit kay Maria. Sinabi ni Maria, "Ako ang alipin ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang kalooban ninyo."

Show comments