Nang panahong iyon, nagpasa ang COMELEC ng isang resolusyon tungkol sa gun ban dahil sa nalalapit na eleksiyon. Ayon sa gun ban, ilang tagapagpatupad ng batas ang itatalaga sa mga checkpoints sa ilang lugar sa siyudad. Isa sa mga chekpoint ay inilagay sa kanto ng Buendia at South Expressway, kung saan apat na pulis ang naitalaga. Sila ay sina PO1 Nuñez, PO3 Bernardo, SPO4 Mascardo at Inspector Guerrero. Tungkulin nilang siyasatin ang mga sasakyang patungo sa Pasay City, ang ilan ay ipahihinto kung kahina-hinala at ang ilan ay ipapagarahe kung kinakailangan. Lampas nang hatinggabi, ipinahinto ang sasakyan ni Jim kung saan nakasakay sa unahan si Ted samantalang si Rey ay sa likuran. Nakita kasi ni PO3 Nuñez ang isang armas na M-16 US carbine na nakapatong sa hita ni Ted. Ipinabukas ni PO1 Nuñez ang pinto ng sasakyan kay Jim at kinuha nito ang armas kay Ted. Kinapkapan sila isat isa at nakuha ang isang .45 kalibre kay Jim.
Dinala sina Ted, Rey at Jim at ang sasakyan na minaneho ni PO3 Bernardo sa police station. Nang makarating sa presinto, ibinigay ni PO3 Bernardo ang susi ng kotse sa desk officer. Naghinala si SPO4 Mascardo kaya inutusan si Jim na buksan ang trunk ng kotse. Pumayag si Jim at siya na mismo ang nagbukas. Napansin ng pulis sa loob ng trunk ang isang asul na bag at pinabuksan kay Jim. Ang bag ay naglalaman ng isang bagay na nakabalot ng tape at sa eksaminasyong ginawa ng NBI, ito ay may marijuana na ang timbang ay 3.3143 kg.
Inakusahan sina Ted, Rey at Jim ng illegal possession of firearms at illegal possession and transportation of prohibited drugs. Nahatulan sila ng Korte sa mga nasabing kaso at nasentensiyahan ng reclusion perpetua. Tanging sina Ted at Rey lang ang nag-apila. Ayon sa kanila, kailangan daw ay nagkaroon ng anunsiyo bago naglagay ng checkpoints. Kinuwestiyon din nila ang legalidad ng pagkapkap sa kanila. Tama ba sina Ted at Rey?
Mali. Hindi lahat ng checkpoints ay ilegal. Ito ay nararapat kung ito ay hinihingi ng pagkakataon para sa kaayusan ng publiko at isinasagawa sa paraang hindi makakapanghimasok sa mga motorista. Karaniwang may panghihimasok ang mga checkpoints sa karapatan ng mga motorista sa tuluy-tuloy na paglalakbay ng walang interupsyon, subalit ang madalas na kalakaran ay ang maikling pagpigil sa mga naglalakbay kung saan kailangan nilang sagutin ang isa o dalawang katanungan lamang. Hanggat ang sasakyan o ang mga sakay nito ay hindi sumailalim sa isang pagsusuri, ang checkpoints ay walang paglabag sa karapatan ng isang tao laban sa isang walang-katwirang pagsisiyasat. Ang checkpoints sa kasong ito ay itinalaga para sa gun ban ng COMELEC. Hindi matatamo ang layunin ng gun ban kung limitado ang mga pulis sa pagtingin lamang sa mga dumadaan. Hindi rin kinakailangang mag-anunsiyo bago magtalaga ng checkpoint dahil ang mga taong nagnanais na lumabag sa gun ban ay makakaiiwas agad.
Ang pagkapkap sa kanila ay legal dahil pumayag si Jim dito. Gayon pa man, ang paghatol kina Ted, Rey at Jim ay hindi tama. Ang marijuanang natagpuan sa kotse nila ay hindi napatotohanan. Hindi napatunayan na may presensiya sila nang makuha ang sinasabing marijuana sa kanilang sasakyan. (People of the Philippines vs. Usana et. al. G.R. No. 129756-58).