EDITORYAL – Durugin ang mga tax evader!

TAUN-TAON laging ipinaaalala ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga mamamayan na magbayad ng tax. Nagpapalabas pa sila ng mga advertisement sa radyo, diyaryo at telebisyon. Pero walang epekto sapagkat ayon na rin sa BIR, kulang pa rin ang koleksiyon. Hindi makasapat sa malaking budget deficit na taun-taon na lamang ay problema ng bansang ito. Nakakukulili na sa taynga ang pamumroblema ng gobyerno kung paano mapupunan ang kakulangan. Sa dakong huli ang mamamayan ang papatawan ng kung anu-anong tax. Pinaka-latest ay ang kontrobersiya sa 10 percent Value Added Tax (VAT) na ipapatong sa mga artista, entertainers, lawyers at iba pang professionals.

Ang BIR ang dapat sisihin kung bakit hindi matapus-tapos ang problema sa kasalatan ng pananalapi. Kulang sila sa pamamaraan kung paano pagbabayarin ng tamang buwis ang mga malalaking kompanya o indibidwal. Narito sa bansang ito ang mga mandaraya na gagawin ang lahat para malinlang ang pamahalaan. At namamayagpag ang mga tax evader sapagkat kinakandong din naman sila ng mga corrupt na opisyal at empleado sa BIR. Hindi naman magkakaroon ng lakas ng loob na mandaya ang isang kompanya o indibidwal kung wala siyang kontak sa loob. Ang mga corrupt na taga-BIR din ang nagtuturo sa mga big time tax evader. Ang mga corrupt sa BIR kung ganoon ang dapat tapyasan ng ulo.

Batay sa inilabas na report ng International Monetary Fund (IMF), nawalan ang Pilipinas ng P200 billion noong taong 2000. Nang sumunod na taon, 2001 ay halos ganoon ding halaga ang nawala sa kaban ng bansa at naulit muli sa taong 2002. Walang pagbabago taun-taon sa napaka-laking perang nawawala sa bansa dahil sa mga tax evader. Nadadagdagan pa at wala namang maipakitang tapang ang gobyerno kung paano sila dudurugin. Sa kalituhan, ang mamamayang maliliit ang kinikita ang pinapatungan ng kung anu-anong tax. Noong nakaraang taon, nagmungkahi si Finance Sec. Isidro Camacho na patawan ng buwis ang prepaid card na ginagamit sa pagti-text. Mungkahi na ang maliliit ang mapiperhuwisyo!

Dapat ay magtatag ng isang superbody na epektibong kukolekta sa buwis. Ilagay sa puwesto ang mga mapagkakatiwalaang mangangasiwa. Kinakailangang maging 100 percent ang makukolekta. Kasunod ay habulin ang mga nandaraya. Halungkatin at walang patatawarin.

Kung hindi dudurugin ang mga tax evader, hindi susulong ang bansang ito at lalo pang masasadlak sa kahirapan.

Show comments