Panawagan sa mga unang alagad

GAYA nang nabanggit natin sa nakaraang kolum, si Jesus ay tumawag o humirang ng mga alagad upang makibahagi sa kanyang misyon. Sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, tinawag ni Jesus ang mga alagad at ibinigay sa kanila ang gawaing kanilang gagampanan (Mk. 1:14-20).

"Pagkatapos dakpin si Juan, si Jesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balita mula sa Diyos: ‘Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.’

"Samantalang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na naghahagis ng lambat. Sila’y mangingisda. Sinabi ni Jesus, ‘Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamamalakaya ng tao.’ Pagdaka’y iniwan nila ang kanilang lambat, at sumunod sa kanya.

"Nagpatuloy siya ng paglakad, at sa di kalayuan ay nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa kanilang bangka at naghahayuma ng mga lambat. Tinawag din sila ni Jesus at sumunod naman sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama, kasama ng mga taong upahan."


Ang pananaw at layunin ng buhay ng mga mangingisdang ito ay ganap na nabago. Mga tao ang dapat nilang dalhin kay Jesus, na siya namang magdadala sa kanila sa Ama.

Inihanda ni Jesus ang mga alagad na tumugon sa mga pantaong pangangailangan sa pamamagitan ng pagpapagaling sa mga maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo at pagpukaw sa kanilang pag-asa. Anong laking pananagutan, kasabay na ang laking karangalan, para sa mga mangingisdang ito na mabigyan ng bahagi sa pagsasaganap ng misyon ni Jesus.

Kasama ng mga ito ang malaking responsibilidad na tumulong sa pag-unlad ng mga tao sa buhay ng Espiritu, sa pagkilala kay Jesus at sa Ama. Katuwang na responsibilidad din ang paglingkuran ang mga tao at dalhin sila kay Jesus.

Bawat binyagang Kristiyano ay nabigyan ng ganitong tungkulin o responsibilidad. Isang pasanin na dapat isakatuparan nang may galak.

Show comments