Kakatwa na parang pumapatay lamang ng manok ang mga salarin at sa katirikan pa ng araw ginagawa ang krimen. Saan pa bang lugar dito sa Pilipinas ligtas sa karahasan?
Sinisisi si Jose Maria Sison sa pagpatay kay Kintanar. Naging traidor daw sa kilusan ang dating NPA chief. Si Kintanar ay nagbalik-loob sa gobyerno at security consultant sa Bureau of Immigration. Itinanggi naman ni Sison ang akusasyon. Wala siyang alam. Si Kintanar ang itinuro ni Sison na nasa likod ng assassination attempt sa kanya noong 2001.
Karaniwan na ang pagtuturuan makaraan ang krimen. Sino nga ba ang aamin sa pagpatay? Wala. At kahit magturuan hindi na rin maibabalik ang buhay na nalagas. Isa ang dapat gawin, hanapin ang mga killer. Kung saan, ewan.
Sa nangyaring pagpatay kay Kintanar sa loob ng Kamameshi Restaurant, hindi maiiwasang sisihin ang nasabing establisimiyento sapagkat hindi naging mahigpit sa pagpapatupad ng seguridad. Maluwag ang seguridad kaya nakapasok ang dalawang lalaking pumatay kay Kintanar. Naipasok sa restaurant ang kalibre .45 at .38 kalibre at naisagawa na walang takot ang pamamaril. Matapos niyon, walang anumang nakatakas ang mga gunmen.
Ningas-kugon ang pagmimintina sa seguridad. Ang paghihigpit ay puspusan lamang isinasagawa kapag may alimuom ng pambobomba katulad nang nakaraang taon na umanoy narito na sa Pilipinas ang mga terorista. Sa mga mall, restaurant, sinehan at mga opisina ay kinakalkal ang mga dala-dalahan at baka malusutan ng bomba. Pero nang mawala ang alimuom balik sa dating gawi. Hindi kataka-taka kung maganap ang isang malagim na krimen na kagaya ng nangyari kay Kintanar.
Paano kung bomba ang maipasok sa restaurant? Tiyak na marami ang mamamatay. Hindi dapat ningas kugon ang paghihigpit. Dapat itong ugaliin para maiwasan ang karahasan.