Kami po ay naninirahan sa isang pribadong lugar na hindi namin pag-aari. Noong 1995, may pumuntang representative ng may-ari ng lupa sa aming lugar at inalok kaming bilhin ang lupang kinatitirikan ng aming mga bahay. Ipinasok po sa Community Mortage Program (CMP) ang nasabing lupa. Pinagbayad po kami ng buwanang amortisasyon ng mga opisyales ng Homeowners Association. Ngunit ang masaklap, napag-alaman na hindi po pala kami ang naisumiteng pangalan sa National Home Mortage Finance Corp. (NHMFC).
Ano ang maaari naming gawin sa problemang ito? Elma ng Cavite
Kailangan ninyong i-verify ang impormasyon sa National Home Mortgage Finance Corporation. Tingnan din ninyo ang datos mula sa inyong opisyales ng Homeowners Association. Kung inyong nalaman na hindi pala kayo ang benepisaryo ng nasabing CMP, maari kayong mag-file ng formal complaint laban sa inyong Homeowners Association sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB). Ang HLURB ay isang quasi-judicial na dumidinig sa mga reklamo tungkol sa gusot o hindi pagkakaunawaan sa loob ng asosasyon at mga paglabag ng opisyales sa alituntunin ng asosasyon. Sumangguni po kayo sa inyong abogado upang matulungan po kayo sa paggawa ng nasabing pormal na reklamo.