Pilosopong tanong

HINDI ko maiwasang isangguni sa matandang ermitanyo sa Banahaw ang ilang bagay na matagal nang bumabagabag sa akin. Kaya’t matapos niyang ipabatid na may mga titik "el" at "os" ang pangalan ng lahat ng Presidente ng Pilipinas, inusisa ko siya:

Tanong ko:
Puwede bang uminom ng soft drink kung coffee break?

Sagot niya:
Puwedeng uminom ng soft drink. Pero dapat haluan ng Coffeemate. Hindi gatas. Milk in my cereal, Coffeemate in my Pepsi, di ba?

T:
Puwede bang makinig sa A.M.-radio sa gabi?

S:
Maari lang gamitin ang A.M.-radio sa umaga. Sa gabi, F.M. na.

T:
Ang fire exit ba ay labasan ng apoy?

S:
Ang fire exit ay ginagamit bilang labasan ng apoy kapag may sunog lamang. Ito’y para makatakas sila, o tinatawag na "fire escape."

T:
Ang uod ba pag namatay ay inuuod din?

S:
Ang tao pag namatay ay hindi tinatao. Kaya ang uod, di inuuod.

Ang tao inuuod pag namatay, kaya ang uod ay malamang na tinatao.

T:
Masaya ba ang manok na kinatay sa Jollibee, kaya Chicken Joy?

S:
Oo, masasaya ang Chicken Joy. Pero hindi kailangang sa Jollibee katayin ang manok para maging masaya. Masaya sila kung may kasama sa buhay. Kundi, McChicken Singles. Ang pinaka-masasayang manok ay ‘yung 6 pcs. Chicken McNuggets. Kumbaga sa Ingles, "orgy" sila.

T:
Kung ang 7-11 Store ay bukas 24 hours a day, 7 days a week, 365 days a year, bakit may lock sa pintuan nito?

S:
Dalawa ang dahilan. Una, may coffee break sila sa 7-11, tulad ng unang tanong mo. Pangalawa, meron tayong tinatawag na leap year.

T:
Bakit hindi mataas ang highway?

S:
Simple, para may paglalagyan pa ng skyway.

T:
Ba’t walang lumilipad na sasakyan sa flyover?

S:
Di lang natin nakikita ang nagliliparang sasakyan dahil di tayo tumitingala habang nasa flyover. Kung tumingala ka man, kisame lang ng kotse ang makikita mo. Huwag mong sabihing may sunroof ka. Ako lang ang pilosopo rito sa Banahaw.

Show comments