Napakaganda ng panuntunan ni Ma. Fe sa buhay. Sana ay ganyan din ang maging panuntunan ng mga opisyales sa pamahalaan na walang takot kung mangurakot sa pera ng bayan. Ganyan sana ang maging ugali ng mga mayayamang negosyante na nandadaya sa pagbabayad ng buwis. Maraming hindi matapat at mapagkakatiwalaan sa Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Immigration, Bureau of Customs at Philippine National Police at marami pang departamento.
Nagsasagawa ng pagroronda si Ma. Fe sa Festival Mall sa Alabang, dalawang linggo na ang nakararaan, nang isang belt bag ang kanyang natagpuan sa comfort room ng mga lalaki sa basement parking lot. Hindi nagsayang ng panahon si Ma. Fe, dinampot ang bag, tiningnan ang laman at gimbal sa nakabalumbong pera. Madali niyang dinala ang bag sa kanyang hepe at makalipas lamang ang ilang oras, natunton ang may-ari ng bag si Wang Chao Wei, isang negosyante mula sa Tiangxi, China. Nagtayo ng negosyo rito si Wei. Inalok ni Wei ng perang pabuya si Ma. Fe pero tinanggihan iyon ng dalagang sekyu.
Bihira na nga ang mga nilalang na katulad ni Ma. Fe. Maaaring wala na nga siyang katulad sa mga opisyal at empleyado sa DPWH, Customs, Immigration, at BIR. Kung matutuloy ang pangarap niyang maging miyembro ng PNP madadagdagan ang kakaunting bilang nang matapat na pulis. Kapos sa height si Ma. Fe kaya hindi siya matanggap bilang pulis subalit nagbigay ng pag-asa si PNP chief Hermogenes Ebdane na maaari siyang mapabilang sa police force.
Taong matapat at mapagkakatiwalaan, iyan ang kulang sa lipunan. Sila ang dapat hanapin para mabawasan ang katiwalian na matagal na at paulit-ulit sinasabi ni Mrs. Arroyo na kanyang dudurugin.