EDITORYAL – Mag-people power vs mga 'gutom na buwaya'

DALAWANG taon na ang nakalipas mula nang sumiklab ang EDSA Dos na naghatid sa puwesto kay President Gloria Macapagal-Arroyo. Marami nang pagbabago sa loob lamang ng maikling panahon. Ang pagdiriwang kamakalawa ay nabahiran ng kaguluhan nang hindi hayaang makapag-rally sa EDSA shrine ang mga militanteng grupo. Ang mga dating kakampi naman ni Mrs. Arroyo na malaki rin ang bahagi sa pagpapatalsik kay dating President Joseph Estrada ay nagkalat-kalat na. Ang iba ay nagsusulong na si Mrs. Arroyo naman ang patalsikin sa tungkulin. Wala nang gaanong init ang pagdiriwang kamakalawa. Isang pangkaraniwang araw na lamang ang January 20. Kung gaano kakapal ang tao sa EDSA dalawang taon na ang nakararaan, kabaligtaran naman iyon sa nangyari. Magkaganoon man, ang pangyayari sa EDSA Dos ay hindi mababago. Nakaukit na sa kasaysayan. Nagkaisa ang taumbayan para mapatalsik ang pinunong sangkot sa katiwalian. At kung magkakaroon muli ng tiwaling pinuno ang pagkakaisa ay muling uusbong at babaha uli ng tao sa EDSA.

Hindi na maaaring asahan na ang mga susunod pang pagdiriwang ng EDSA Dos ay dadagsain pa ng mga tao. Ganyan ang mga Pinoy, sa una ay masigasig hanggang sa manghinawa. Maski ang EDSA Uno (Feb. 20-25, 1986) na nagpabagsak kay Ferdinand Marcos ay matamlay na rin ang pagdiriwang nang mga sumunod na taon. Wala nang init. Pero ang tiyak, kahit na lumipas ang panahon, ang ipinunla ng people power revolution ay nakatanim na at hindi na maaaring maglaho.

Napatunayan na ang pagkakaisa ay maaaring magpabago sa maling sistema. Kung magkabigkis at nagkakasama, ang bulok na pamamalakad ay maaaring wasakin. Ilang ulit nang sinabi ni Mrs. Arroyo na hangad niya ang matatag na republika. Ang kanyang pangarap na ito ang dahilan marahil kung kaya hindi na niya ninais pang tumakbo sa 2004.

Mahirap itong gawin kaya naman nakikiusap si Mrs. Arroyo sa lahat na siya ay tulungan. Ito na ang panahon para mag-people power para sa ikauunlad ng bansa. Magkaisa para labanan ang katiwalian. Isumbong ang mga opisyal ng gobyerno na gumagawa ng masama at nangungurakot. Mag-alsa laban sa mga "gutom na buwaya". Magkaisa para labanan ang kahirapan. Kung madudurog ang mga tiwali tiyak na ang pagsulong.

Bagong rebolusyon sa bagong panahon. Maaaring makamtan ang pag-unlad sa pamamagitan ng pagkakaisa, katulad ng ginawa sa EDSA Uno at Dos.

Show comments