Nakatatakot na ang nangyayaring mga krimen dahil sa walang habas na pamamaril. Malalakas na ang loob. Kahapon ay banner story ng pahayagang ito ang pagbaril sa isang pastor sa Davao del Norte. Binaril at napatay si Roel Alibio, 27, ng dalawang hindi nakilalang lalaki. Ang ugat ng madugong pagpatay ay dahil lamang sa banggaan ng motorsiklo sa pagitan ng bayaw ni Alibio at ng dalawang lalaki. Nagkaroon ng pagtatalo. Dumating si Alibio sa pinangyarihan ng banggaan para umano mamagitan subalit binaril siya sa ulo ng mga suspect. Tumakas ang mga suspect matapos ang pamamaril. Saan galing ang kanilang baril?
Noong January 11, binaril at napatay din si Jose Llamas, 26, nang isang lalaking naka-motorsiklo sa kanto ng Buendia at Taft Avenue. Nakagitgitan umano ni Llamas ang motorsiklo hanggang sa magkaroon ng pagtatalo. Binunot ng suspect ang 9-mm. handgun at dalawang beses binaril si Llamas. Tumakas ang suspect at hindi pa nadadakip.
Ang batas sa pagdadala ng baril ay nilalabag na. Maraming civilian na bagamat lisensiyado ang kanilang baril ay walang patumangga kung ilabas ng kanilang bahay at sa dakong huli ay ginagamit nilang pansindak sa kapwa. Ang kaluwagan ng batas ang masisisi sa nangyayaring ito. Kailangan nang maging mahigpit ang Philippine National Police sa pag-iisyu at pagbibigay ng permit sa mga civilian.
Dapat din namang maging matalas ang tingin ni Lina kung ang pagkalat ba ng mga baril ay dahil sa mga private armies. Maraming maimpluwensiya at mayayamang tao ang nagmi-maintain ng kanilang mga bodyguard kaya nagkalat ang mga baril. Nararapat magkaroon ng kampanya para durugin ang mga private armies.
Ang pakikiisa ng taumbayan ay nararapat para masugpo ang pagkalat at walang patumanggang pagdadala ng baril. Ireport sa mga awtoridad ang mga sibilyang "makakati ang daliri" sa gatilyo.