Hindi tayo magtataka kung sa mga susunod na araw ay si Collado na ang mamamayagpag sa area nga na sakop dati ng ibang gambling lord sa Station 6. Kasi sa tingin ng mga pulis na nakausap ko, mukhang kaya pala mababangis ang mga bagman ni Empiso na sina SPO2 Robert Bunayu, PO1 Dante Macaraeg at PO1 Hipolito dahil nga gusto rin nilang proteksiyunan ang pagkakaibigan nina Empiso at Collado. May malalim pala silang dahilan, di ba mga suki?
Maliban kay Collado, ang mga nag-ooperate na gambling lord na sakop ni Empiso ay sina Val Adriano ng Makati City; Apeng Sy; Boy Abang; Noli Rodriguez; alyas Tom Pulis at Lydia. Bilang na ang mga araw nitong mga karibal ni Collado dahil naibulong na nito ang mga puwesto nila kay Empiso. He-he-he! Pero wag makasisiguro si Empiso dahil ang hepe nga ng pulisya sa Mindanao eh sinibak ni Interior Joey Lina ng maabutan siya ng mga police raiders sa isang bahay sa Taguig kung saan ginagawa ang mga pekeng VCD, di ba mga suki? Kahit malakas pa siya ke PNP Chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr. baka makarating ke Lina ang magandang relasyon niya ke Collado maaaring masibak sa puwesto itong si Empiso, di ba Gen. Pete Bulaong Sir?
Hindi rin masisi si Empiso dahil sa tingin ng kapwa pulis niya ngayon lang siya nakapuwesto ika nga sa yong merong laman ba. He-he-he! Ano ba yan. Pero dahil merong asal tulisan nga, centralized ang intelihensiya sa kaharian ni Empiso. Ang mga commander ng presinto ay suwelduhan na lang. Ang siste nito magiging fall guys lamang ang taga-presinto sa kasibaan ng kanilang hepe, di ba mga suki?
Pero ginigiit naman ng mga nakausap kong pulis na walang pinagkaiba si Empiso kay Supt. De Jesus na hepe naman ng Station 10 kung ang pasugalan ang pag-uusapan. Kung si Bunayu ay inirereklamo, ganun din ang bata ni De Jesus na si SPO1 Rey Nicolas na sobra rin ang talas. Ang mga gambling lords pala sa sakop ng Station 10 ay may intelihensiya na subalit nagbibigay pa sila ng huli kada linggo para pagtakpan si De Jesus. Pero hinuhuli pa rin sila ni Nicolas kayat ang kita nila ay napupunta na lang sa bulsa ng mga pulis. He-he-he! Buti nga sa inyo. Ang balita pa, lumapit si De Jesus kay Sen. Robert Barbers para padrinuhan siya kay Mayor Lito Atienza para mapunta siya sa Station 11 kung saan malawak ang tabakuhan. May pangarap din palang maging milyonaryo si De Jesus, no mga suki? Dapat siguro Mayor Atienza Sir, wag mo nang ipuwesto sina Empiso at De Jesus sa susunod na reshuffle para mabawasan ang sakit ng ulo mo at makakatulong ka pa sa paglinis ni Ebdane sa hanay ng ating kapulisan.