Hindi masasabing pagseserbisyong totoo sa taumbayan kung ang mga tanggapan ay matatagpuan sa mga gusali na hindi kanais-nais sapagkat napakarumi at mabaho. Ang iba pa nga ay sira-sira na at malapit nang gumuho. Ang tanging pinanggagalingan ng hangin ay ilang electric fan na pinaglumaan na ng panahon.
Ang isa sa mga tinutukoy ko ay ang National Statistics Office na nasa EDSA, Quezon City. Nasa mabahong gusali ang NSO na halos ay hindi ka na makahinga lalo na kapag napuno na ang mga tanggapan ng mga tao at nagsisiksikan.
Ang masakit nito ay pipila ka sa labas sa ilalim ng init at ulan kapag minalas kang dumating na napakarami na ang mga taong nakapila. Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming mga fixers ang nagkalat sa labas na kukulit sa iyo upang sila na ang mag-follow-up sa mga pangangailangan sa loob. Siyempre, hindi ito libre. Sa parking pa lang tatagain ka na. Sa loob, sasalubungin ka ng mga clerk na hindi ngumingiti man lamang at maiinit ang ulo.
Ang NSO ay isa lamang sa mga opisina ng gobyerno na pinupuntahan ng taumbayan. Katungkulan ng gobyerno na mapangalagaan ang kalagayan ng taumbayan. Ayusin ang paghahatid ng serbisyo sa pamamagitan ng karapat-dapat at kaaya-ayang kapaligiran.