Mga salitang Pinoy

AKO at ang mga magsasaka ay nagkukuwentuhan sa ilalim ng punong mangga.

Alam n’yo ba na may mga salitang Filipino ngayon? tanong ko.

‘‘Ibahagi mo sa amin Doktor ang mga bagong salita,’’ sabi nila.

‘‘O, sige, umpisahan natin sa pangkaraniwang salita,’’ sagot ko. ‘‘Ano ang tawag n’yo sa chair?’’

‘‘Upuan!’’ sigaw ng isa.

‘‘Likmuan!’’ hiyaw ng isang lalaki sa likod.

‘‘Luklukan!’’ sabi naman ng isa pa.

‘‘Lahat kayo ay tama,’’ pasiya ko. ‘‘Pero ang bagong salita ay salumpuwit.’’

Nagtawanan. ‘‘Bakit naman? Saan nanggaling ang bagong kataga?’’ tanong ng isa

‘‘Galing sa dalawang salitang pinagkabit. Salo at puwit. O, ngayon, ano ang bagong salita para sa pulis?’’

‘‘Lispu!’’ sigaw ng isang magsasaka.

"Sekyu!’’ giit naman ng binatilyo.

‘‘Puwede na rin,’’ sagot ko. ‘‘Ang lispu ay binaliktad ang pulis at sekyo ay iniklian na security guard. Kaya lang iyan ay salitang kanto.’’

‘‘Eh, ano, Doktor?" tanong ng isa.

‘‘Kabatas.
Kinuha rin sa dalawang salita ng kasama at batas’’.

Naging maingay ang lahat dahil hindi magkasundo. Nagsalita ako para magkasundo.

‘‘Ayaw man ninyo ay wala tayong magagawa. Basta kabatas na sila ngayon,’’ pasya ko.

Show comments