Ang kaluwagan at hindi seryosong pagsunod sa itinatadhana ng batas ang dahilan kung bakit kahit sino ay maaaring magdala ng baril. Naging kaugalian na tuloy sa bansang ito na ipantakot ang baril. Kapag may baril ay nagkakaroon ng yabang sa katawan. Malakas ang loob na para bang kahit sino ay maaaring banggain dahil siya ay may baril. Karamihan sa mga Pinoy ay nagnanais na magkaroon ng baril hindi para protektahan ang sarili kundi para magkaroon ng simbolo ang kanilang pagkalalaki.
Mas matindi kung ang baril ay dala habang nagmamaneho ng sasakyan gaya ng karaniwang ginagawa ngayon ng mga civilian. Marami na ang mga nagdadala ng baril habang nagda-drive at sa kaunting di-pagkakaunawaan sa trapiko ay mamamaril nang walang habas at nagpapasabog ng utak.
Isa sa malinaw na halimbawa ay nangyari noong Sabado (January 11) ng hapon sa Buendia Ave. cor. Taft Avenue. Binaril at napatay si Jose Ramon Llamas, 26, dahil lamang sa pakikipagtalo sa isang lalaking naka-motorsiklo. Bumuga ang tingga mula sa lalaki at tumimbuwang si Llamas. Isang buhay na naman ang nalagas dahil sa baril.
At sino ang makalilimot sa sinapit ni Eldon Maguan, Feliber Andres, Jose Santos, Mario Villasin, Angelo Manalo at napakaraming iba pa. Sila ay pawang namatay sa baril. Si Maguan ay binaril dahil sa simpleng away sa trapiko noong July 1991. Si Feliber ay binaril ng isang businessman dahil sa pag-aagawan sa parking sa isang memorial park noong Nov. 1998. Si Santos, isang jeepney driver, ay binaril makaraang masagi ang kotse ng isang police colonel noong 1995. Si Villasin ay binaril ng isang pulis noong 1998 dahil sa right of way at si Manalo, isang truck driver ay binaril ng isang lalaki dahil sa maliit na bagay sa trapiko.
Dahil sa walang pakundangang pagdadala ng baril ng kahit sino, maitatanong kung kontrolado pa ng mga awtoridad ang mga nangyayari sa kasalukuyan. Kailan magiging gunless ang society na ang tanging makapagdadala lamang ng baril ay mga law enforcers. Maraming masasayang na buhay kung magpapatuloy ang pagdadala ng baril ng kung sinu-sino.