^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Kailan magiging gunless ang society

-
MARAMI nang sinayang na buhay ang walang pakundangang pagdadala ng baril. Ang baril ay para na lamang laruan ngayon na maaaring dalhin ng kahit sino at ipuputok sa kanyang kapwa. Ang kaluwagan sa pagdadala ng baril nang kahit sino ay nakapagdudulot ng matinding takot. Hindi mo alam na sa iyong paglalakad at mayroon kang makabangga ay baril na pala ang iuumang sa iyo at bang!

Ang kaluwagan at hindi seryosong pagsunod sa itinatadhana ng batas ang dahilan kung bakit kahit sino ay maaaring magdala ng baril. Naging kaugalian na tuloy sa bansang ito na ipantakot ang baril. Kapag may baril ay nagkakaroon ng yabang sa katawan. Malakas ang loob na para bang kahit sino ay maaaring banggain dahil siya ay may baril. Karamihan sa mga Pinoy ay nagnanais na magkaroon ng baril hindi para protektahan ang sarili kundi para magkaroon ng simbolo ang kanilang pagkalalaki.

Mas matindi kung ang baril ay dala habang nagmamaneho ng sasakyan gaya ng karaniwang ginagawa ngayon ng mga civilian. Marami na ang mga nagdadala ng baril habang nagda-drive at sa kaunting di-pagkakaunawaan sa trapiko ay mamamaril nang walang habas at nagpapasabog ng utak.

Isa sa malinaw na halimbawa ay nangyari noong Sabado (January 11) ng hapon sa Buendia Ave. cor. Taft Avenue. Binaril at napatay si Jose Ramon Llamas, 26, dahil lamang sa pakikipagtalo sa isang lalaking naka-motorsiklo. Bumuga ang tingga mula sa lalaki at tumimbuwang si Llamas. Isang buhay na naman ang nalagas dahil sa baril.

At sino ang makalilimot sa sinapit ni Eldon Maguan, Feliber Andres, Jose Santos, Mario Villasin, Angelo Manalo at napakaraming iba pa. Sila ay pawang namatay sa baril. Si Maguan ay binaril dahil sa simpleng away sa trapiko noong July 1991. Si Feliber ay binaril ng isang businessman dahil sa pag-aagawan sa parking sa isang memorial park noong Nov. 1998. Si Santos, isang jeepney driver, ay binaril makaraang masagi ang kotse ng isang police colonel noong 1995. Si Villasin ay binaril ng isang pulis noong 1998 dahil sa right of way at si Manalo, isang truck driver ay binaril ng isang lalaki dahil sa maliit na bagay sa trapiko.

Dahil sa walang pakundangang pagdadala ng baril ng kahit sino, maitatanong kung kontrolado pa ng mga awtoridad ang mga nangyayari sa kasalukuyan. Kailan magiging gunless ang society na ang tanging makapagdadala lamang ng baril ay mga law enforcers. Maraming masasayang na buhay kung magpapatuloy ang pagdadala ng baril ng kung sinu-sino.

ANGELO MANALO

BARIL

BUENDIA AVE

DAHIL

ELDON MAGUAN

FELIBER ANDRES

ISANG

JOSE RAMON LLAMAS

JOSE SANTOS

MARIO VILLASIN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with