Corruption sa Immigration

BID, "Byurung Inutil Durugin." Hindi lang inutil kundi inilalagay ang buong bansa sa kapahamakan. Iyan ang Bureau of Immigration (BI).

Nakababahala na ang paglisaw sa bansa ng mga illegal aliens. Di bale kung nagnenegosyo nang malinis. Ang problema, nagtayo na sa Metro Manila ng laboratoryo ng shabu! Nabasa natin sa mga diyaryo ang ilang shabu labs na sinalakay sa Metro Manila na ang operator ay mga ilegal na Intsik.

Binanatan na natin ito kamakailan sa ating PSN editorial pero damdam ko’y obligasyon kong banatan pa ito nang husto hanggang sa tumino ang BI sa pamumuno ng kababayan kong si Commissioner Andrea Domingo.

I hope too na makarating sa kaalaman ng Pangulo ito. Ngayong nagsabing di na tatakbo ang Pangulo, dapat ang unang i-overhaul ay ang BI. For the sake of national security.

Kung ang mga taong namumuno riyan ay walang kapabilidad o kaya’y mandarambong, sibakin agad at palitan ng mga taong may takot sa Diyos.

Kinumpirma sa ’kin ng impormante kong si Erwin Rodolfo ang pag-iral ng isang sindikato sa BI. Si Erwin ay isang Intelligence agent ng BI. Sinibak sa puwesto sa pag-aresto sa isang illegal Indian national porke wala raw warrant of arrest. Iniutos na ng Civil Service Commission ang kanyang reinstatement pero ayaw pa rin umano siyang ibalik sa puwesto. In other words, sinibak ang taong ito dahil sa pagtupad sa tungkulin. Tsk, tsk!

Saka ko na ikukuwento ang kasaysayan ng taong ito. Ang mahalagang isiwalat ay ang mga baho sa BI. Walang personalan. Ibig lang nating madiretso ang kawanihang ito na umaalingasaw sa mga katiwalian.

Balita ko pati mga suspected foreign terrorists ay nakalulusot sa bansa dahil naaayos ang mga tiwaling tauhan at opisyal ng BI. Kung hindi sa mga panganib na ito’y baka magtengang-kawali pa tayo. But the real danger is glaring. Droga at terorismo.

Kung hindi man sa kolum ko sa pahayagang ito, itutuloy natin ang serye ng mga paglalantad sa bagong afternoon tabloid na PM (Pang-Masa) na magsisimula sa Lunes.

Salamat kay Erwin Rodolfo. Ayaw ko sanang banggitin ang pangalan niya for his own protection pero iginiit niyang ilantad ko ang tunay niyang pagkatao para huwag daw isiping pawang hearsay ang isisiwalat ko. Hanggang sa muli, abangan ang ating mga hagupit.

Show comments