Nitong mga huling araw ay nagtatag ang hepe ng CIDG na si Chief Supt. Eduardo Matillano ng Task Force Red Scorpion, hindi para manghuli ng mga kidnapper at bank robbers kundi para pag-ibayuhin pa ang koleksiyon nila ng intelihensya sa jueteng sa Metro Manila. Ayon sa mga pulis na nakausap ko, wala raw nakakarating sa intelihensiyang nakukubra linggu-linggo ng taga-Office of the Businessmans Concerns (OBC) kay Matillano. Nilagom kasi ng OBC ang intelihensiya sa Kamaynilaan, anila. At ang itinalagang mamuno ng Red Scorpion ay si Supt. Igmidio Cruz ng PMA Class 82.
At magmula nang maitatag ang Red Scorpion, nagpakawala si Cruz ng dalawang mababangis na kolektor sa katauhan nina Rudy Luna at Elmer Nepomuceno. Kung may mababangis pa sa leon at tigre sa mga hayop natin, yon na sina Luna at Nepomuceno, ayon sa mga pulis na nakausap ko. Walang ilegalista na makapalag sa kanila, kabilang na si Santos. Milyon ang hiningi nina Luna at Nepomuceno kay Santos kaya napilitang magsara yung mama.
At bakit biglang naisipan ni Matillano na manghagupit sa mga jueteng lords sa Metro Manila? May balita kasi na on the way out na si Matillano dahil nagalit sa kanya si Presidente Arroyo bunga sa mga ipinahayag niya sa media ukol sa pagkamatay ni Supt. John Campos. Kaya naisipan munang magpalamig ni Matillano sa ibang bansa nitong nagdaang Disyembre. Sa pagbalik niya, umugong na sisipain na si Matillano kayat hayan, mukhang nag-iipon na siya ng baon. He-he-he! Mapupuno na naman ang bulsa niya, di ba mga suki? Baka naman gusto lang niyang bawiin ang ginastos niya sa abroad? Ano ba yan?
Kung si Santos ay nagsara dahil sa sobrang taas ng intelihensiya at goodwill money na hinihingi ng Red Scorpion, eh di nalalayo na ang mga maliliit na operators ng pasugalan ay sumunod na nitong darating na mga araw, di ba mga suki?
Alam naman natin na si Matillano ay mahigpit na kalaban ni Sen. Ping Lacson. Hayagan na ang away nila. Pero may nagawa na ba si Matillano laban kay Lacson mula nang maupo siya diyan sa CIDG? Hanga tayo sa paninindigan ni Matillano noong mga nagdaang taon subalit nitong mga huling araw mukhang bumigay na rin siya. He-he-he! Sayang! Pero may problema si Matillano. Ang Metro Manila kasi ay kaharian ng kanyang mistah na si Dep. Dir. Gen. Reynaldo Velasco, ang hepe ng NCRPO. Sa pagkaalam ko, itong si Velasco ay hindi nadungisan ng jueteng money mula nang siya ay pumasok sa serbisyo. Papayag kaya si Velasco na apak-apakan na lang siya ng kanyang mistah?