Ngayon namang ideneklara ni GMA na magsasakripisyo na lamang siya at hindi na tatakbo, binibira pa rin siya at tuloy pa rin ang paninira ng oposisyon at aktibistang grupo. Wala na kasi silang sisiraan at mawawalan na ng magandang target upang maging bida sa mata ng publiko.
Kayong mga sumasalungat at hindi mabubuhay nang walang binabatikos, magsitigil na kayo. Mahahalata pa kayo ng taumbayan kapag nagpatuloy pa kayo sa inyong mga gawain. Makiisa na rin kayo sa pagbibigay ng pagkakataon kay GMA na maipakita sa mamamayan na taimtim ang kanyang hangarin na maiwaksi ang pulitika.
Tutal naman, hindi maaaring hindi natin maramdaman kung tayo nga ay niloloko lamang ng Presidente. Kapag nalaman nating dinidribol lamang tayo, saka na natin siya banatan, di po ba? Sa ngayon, ang kailangan ay ang palakasin ang kalooban ni GMA na huwag nang magpatumpik-tumpik pa na maisakatuparan ang lahat ng kanyang mga hangarin na mapabuti ang kalagayan ng ating bansa.
Huwag na nating blankahin at bigyan ng mga ibat ibang balakid si GMA nang sa ganoon ay buong linaw niyang harapin ang napakaraming suliranin ng bansa na susubukan niyang mabigyan ng solusyon sa loob ng 18 buwan pang natitira ng kanyang pamumuno.