Malinaw ang MMDA Ordinance No. 96-009 (Sec. 2-h): "Bawal mag-post, install, display ng ano mang uri ng billboard, sign, poster, streamer, professional service advertisement o iba pang masakit sa matang kalat saan mang parte ng kalye, sidewalk, center island, poste, park o open space ang sino mang tao, grupong pribado o publiko, kompanyang advertising o promotions, movie producer, propesyonal o contractor."
Malinaw din ang parusa (Sec. 4-b): Multang P1,000 o tatlong araw na community service sa bawat kalat. Kung hindi magbayad, kakasuhan ang salarin, dodoblehin ang multa nang P2,000, at ikukulong nang isang linggo hanggang isang buwan sa bawat kalat. Maaari ring singilin ng P200 per cubic meter ng kalat na lilinisin ng MMDA.
Trabaho ng konsehal magpasa ng ordinansya. Tungkulin niya ring ipatupad ang batas. Magkusa kayang magmulta at maglinis si Medalla?
Bumula ang bibig ni Manila Mayor Lito Atienza nung nakaraang linggo nang makitang pinag-didikitan ng posters ng pelikulang "Agimat ni Lolo" ang mga poste ng LRT. Kakasuhan daw niya ng vandalism si leading man Bong Revilla. Mabilis lumiham si Marlon Bautista, kuya ng aktor at executive producer ng Imus Production. Humingi ng paumanhin, ipatatanggal daw niya agad ang posters, at kusang papipinturahan ang sira. Paparusahan din daw niya ang mga tauhang nandumi sa Manila. Si Medalla kaya, ganun din?
Marami pang katulad ni Medalla sa buong Metro Manila. Sa sobrang ganado magpa-pogi sa constituents, nalilimutan ang batas. Dumudumi tuloy ang kapaligiran.