Matagal ko nang sinusubaybayan ang inyong kolum dito sa Pilipino Star NGAYON. Ninais kong sumulat sa inyo upang malaman kung maaari akong mag-avail ng housing loan sa Pag-IBIG.
Ang aking asawa ay tricycle driver. Miyembro siya ng Social Security System (SSS) sa ilalim ng voluntary membership bilang self-employed. Sa pagnanais naming magkabahay, nagtanong kami sa SSS subalit sinabi na wala raw po silang housing loan ngayon.
Maaari po bang maging voluntary member ng Pag-IBIG at maka-avail ng housing loan?
Maraming salamat. CYNTHIA ng Camarin, Novaliches, Caloocan
Sinuman na kumikita ng mababa sa P4,000 ay maaaring maging miyembro ng Pag-IBIG sa ilalim ng voluntary membership. Self-employed at mga nagtatrabaho sa informal sector kagaya ng mga mangangalakal, magsasaka, mangingisda, nagtitinda sa palengke, drayber at iba pa ay maaring magparehistro. Ang mga hindi na nagtatrabaho na asawa naman ay maari ring magparehistro pag may pahintulot ang kanilang mga asawa.
Ang mga requirements ng voluntary membership sa Pag-IBIG ay ang mga sumusunod.
Sa wastong gulang (18 years old)
Nagtatrabaho o Self-employed
Income Tax Return
Iba pang dokumento na maari pong hingin sa inyo.
Magsadya lamang kayo sa First Floor, Atrium Bldg., Makati Avenue, Makati City dala ang mga nasabing dokumento.
Kahit hindi pa kayo miyembro ng Pag-IBIG, maari pong matupad ang inyong pangarap na magkabahay sa ilalim ng Rent-to-Own Program na ginaganap tuwing Sabado ng umaga, alas otso ng umaga sa Atrium Bldg., Makati Avenue, Makati City. Sa kasalukuyan, mayroon pong mga Rent-To-Own housing units sa Smile Citihomes, Quezon City. Maari kayong tumawag sa telepono bilang 811-4075, 4229, 8225 o 8205 para sa karagdagang impormasyon.