^

PSN Opinyon

Editoryal - Ipatupad ang Clean Air Act

-
SUBUKANG pagmasdan ang paligid kung alas-sais ng umaga. Hindi ba’t puro usok ang inyong makikita? Hindi lang basta usok sapagkat ito ay marumi na maski ang araw ay nahihirapang makapaglagos. Kung makapagsasalita nga lamang ang araw baka sabihin niyang hindi na muna siya sisikat dahil nahihirapan na siya sa maruming usok. Mas matindi ang pangingitim ng kalawakan sa Metro Manila na ayon sa isang lumabas na report ay nangunguna sa pinaka-polluted na siyudad sa Asia.

Noong umaga ng January 1, 2003, mas lalo nang naging makapal ang maitim na usok na bumalot sa kapaligiran sa Metro Manila. Hindi na nakapagtataka sapagkat humalo pa sa dati nang maruming hangin ang mga usok na galing sa malalakas na paputok. Nakababahala ang mga epekto ng maruming hangin at nagpapakita na ng palatandaan ng tahimik na pananalasa sa mamamayan.

Noong nakaraang taon, maraming estudyante sa isang exclusive school sa San Juan ang nakaranas ng pagkahilo at pagsusuka na naging dahilan para suspindehin ang klase. Ang air pollution ang itinurong dahilan sa pagkahilo at pagsusuka ng mga estudyante. Ang school ay hindi kalayuan sa EDSA, na pinagmulan ng nakalalasong hangin. Nasa EDSA ang maraming sasakyan, karamiha’y mga kakarag-karag na pamasaherong bus na nagbubuga ng may lasong usok. Bukod sa bus, nasa EDSA rin ang mga FX taxi at mga pribadong sasakyan na hindi na gaanong pinag-aaksayaan ng panahon ng Department of Transporation and Communications at Land Transportation Office na isailalim sa smoke belching test. Kung magkaroon man ng smoke-belching campaign, iyon ay ningas-kugon at kadalasang pakitang tao lamang. Kinabukasan, ang mga hinuling sasakyan na nagbuga ng maitim na usok ay nasa kalsada na naman. Pera lang ang katapat at lusot na naman sa batas.

Sa Metro Manila, ay may tinatayang 55,596 jeepneys at 11,086 pampasaherong bus. Idagdag ang 5,000 taxis, 6,619 na "for hire" trucks at 52, 932 tricycles. Bukod sa mga ito, tinatayang may 883,699 na mga pribadong sasakyan. Gaano kakapal ang nakalalasong usok na kanilang pinakakawalan araw-araw? Sila ang nagdudulot ng grabeng pollution dahil sa maruming gasoline at diesel na ginagamit.

Grabe na ang air pollution at dapat lamang na hindi na mag-atubili ang pamahalaan sa pagpapatupad ng Clean Air Act. Lagyan ito ng ngipin upang makalanghap ng sariwang hangin ang lahat partikular dito sa Metro Manila. Ang batas na ito ay ginawa para sa kapakinabangan ng nakararami.

BUKOD

CLEAN AIR ACT

DEPARTMENT OF TRANSPORATION AND COMMUNICATIONS

LAND TRANSPORTATION OFFICE

METRO MANILA

NOONG

SA METRO MANILA

USOK

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with