Umalis si Carlos sa inuupahan na hindi nagbayad at inangkin ni Diego ang traktora. Tatlong beses din niyang hiningi ang bayad mula kay Carlos subalit nabigo siya. At nang magkita muli, sinabi ni Diego na ang traktora ay nananatiling prenda sa kanyang utang. Pagkatapos nito ay hindi na muling nagkita ang dalawa.
Makalipas ang isang taon, nakipagkita si Martin, ang ama ni Carlos, kay Diego upang bawiin ang traktora. Iginiit ni Diego na may malaking pagkakautang sa kanya si Carlos at naiprenda nito ang traktora. Inalok ni Martin si Diego ng P2,000 at mga tseke upang bayaran ang mga utang subalit hindi nagkasundo ang dalawa.
Sa hukuman muling nagkita sina Diego at Martin. Nagsampa ng replevin si Martin kay Diego upang mabawi ang pag-aari nito sa traktora. Sinalungat ito ni Diego sa dahilang ang traktora ay balidong naiprenda sa kanya ni Carlos. At ipalagay man na walang balidong prenda, isa raw itong deposit na may tungkulin siyang ingatan hanggat hindi pa binabayaran ni Carlos ang obligasyon. Ayon pa rin kay Diego, kahit na si Martin ang may-ari ng traktora, maaaring nagkaroon daw ng di hayagang prinsipal-ahenteng relasyon nang si Martin ay hindi umimik nang ibigay ni Carlos bilang garantiya ang traktora. Tama ba si Diego?
Mali. Upang magkaroon ng isang kasunduan ng prenda, kinakailangan ang mga sumusunod:
Na itinatag ang prenda upang matiyak ang kaganapan ng prinsipal na tungkulin;
Na ang nagprenda ang lubos na may-ari ng bagay na nakaprenda;
Na may malayang disposisyon sa kanyang ari-arian ang taong nagtatag ng prenda at sa kawalan nito, siya ay naging awtorisado ayon sa batas para sa layunin (Art. 2085, Civil Code).
Sa kasong ito, si Carlos, ang nagprenda, ay hindi lubos na may-ari ng traktora kundi si Martin. Si Carlos ay may tungkuling ingatan ang traktora nang iwan ito sa kanya.
Hindi rin napatunayan na may ahensiya. Upang magkaroon ng di-hayagang ahensiya, kinakailangang alam ng prinsipal na may ibang tao na nanunungkulan para sa kanya nang walang kapangyarihan (Art. 1869, Civil Code). Dito, layunin ni Martin na iwan ang traktora kay Carlos para ingatan ito at hindi isalin sa ibang tao. At kung naiprenda nga ni Carlos ang traktora, wala itong awtoridad at kaalaman ni Martin. Hindi rin masasabing isang deposito ito dahil ayon kay Diego ang traktora ay isang prenda sa utang ni Carlos. Walang deposit kung hindi pangunahing layunin ang pag-iingat sa bagay na tinanggap (Calibo Jr. vs. Court of Appeals et. al. G.R. No. 120528 January 29, 2001).