Subalit, mayroon pa ring sektor na nagdududa sa ipinahayag ni GMA. Sinasabi nila na estratehiyang-pampulitika raw ito upang matakpan pansamantala ang mga bahong nagaganap sa administrasyon. Pagkatapos na bumango uli, babaguhin daw ni GMA ang desisyon at tatakbo rin sa 2004.
May tsismis ding paraan lamang daw ni GMA ang pag-atras upang maisakatuparan ang Charter Change. Hangarin daw ni GMA na siya ang magiging Prime Minister. Napakarami pang inilalabas na intriga ang mga kalaban ni GMA.
Gaya ng sinabi ko noon tigilan na ang pamumulitika at paninira kay GMA. Tanggapin ang naging desisyon niya sapagkat ito ang kailangan sa ngayon ng ating bansa. Tiyak na makabubuti sa bansa kung tayong lahat, pulitiko man o hindi o mayaman man o mahirap, ay magkakaisa at magtutulungan. Panahon na upang iwaksi ang pagka-hayok sa pulitika.