Customs police chief bilang na ang araw mo

BUMAGSAK daw nang malaki ang koleksyon ng Bureau of Customs, bagay na ikinayamot ni Presidente Arroyo.

Hindi kataka-taka. Mayroon daw kasing demoralisasyong nangyayari sa kawanihan. Ang Direktor ng BOC Enforcement and Security Services ay "kapit-tuko" pa rin umano sa puwesto kahit may order na ang Ombudsman na alisin siya sa tungkulin. Iyan ang idinaing sa akin ng ilang mga taga-Customs na nagpapasaklolo. Ang kaso niya’y pamemeke umano ng kanyang scholastic records. Pinalabas na college graduate gayung hindi naman pala.

Kahit kapatid ko pa ang opisyal na ito’y hindi ko kukunsintihin porke ibig nating maiwasto ang mali. Mantakin n’yong may desisyon na ang administrative adjudication bureau ng Ombudsman noon pang Sept. 26, 2001 na tanggalin na si Virgilio M. Danao sa naturang mataas na puwesto.

Bagamat nag-motion for reconsideration si Mr. Danao, ito’y ibinasura noon pang Pebrero 2002. May katuwirang magmaktol ang mga kawani ng Cutoms. Maraming umaasang magkakaroon ng promosyon dahil sa nabakanteng puwesto. Pero hindi nangyari porke kapit-epoxy daw si Mr. Danao. Palagay ko, ngayong nagdeklara na si Presidente Arroyo na hindi na tatakbong muli, wala na siyang magiging pangingimi sa ano mang wastong aksyon na dapat gawin. Kahit sino pa ang masaktan. Kaya namumuro na ang naturang opisyal.

Any day now, inaasahang magsasagawa ng malawakang pagbalasa ang Pangulo bagamat ito’y kanyang ipinagpaliban para ang hakbang na gagawin niya’y siguradong hindi papaltos. Batay na rin sa desisyon ng noon ay Ombudsman na si Margarito Gervacio, napatunayang "guilty" sa salang dishonesty si Mr. Danao. Ano’ng lakas ba ang taglay ng opisyal na ito?

Ipinagmamalaki raw niya na hawak niya ang suporta ng isang malaking religious group na malakas at impluwensyal kahit kaninong Presidente ng bansa. Aba, nadidiktahan na ba ang Panguluhan ngayon? Baka lalong mainis sa iyo padre ang Pangulo.

Show comments