Kinabukasan, nang magkita kami ng kaibigan kong si Mang Usti ay ang scarecrow ang aming napag-usapan. Niyaya ako ni Mang Usti sa kanyang bukid. Mula roon ay natanaw ko ang isang scarecrow.
"Mas maganda pa ang bihis ng scarecrow kaysa sa suot ko, Mang Usti."
"Maski sa suot ko, Doktor," sagot naman niya at nagtawanan kami.
"Mang Usti, bakit ba bibihira na akong makita ngayon ng scarecrow?"
"Isa na itong papawalang sining. Siguro, hindi na epektibo para pantaboy ng uwak at mga maya. Isa pa, masyadong matrabaho ang paggawa ng panakot-uwak. Sayang din ang gagamiting damit."
Napansin kong nakahanda na ang bukid ni Mang Usti para sa taniman ng palay. Malaki rin ang bukid ni Mang Usti at marami siyang inaani.
"E di naglalagay ka rin ng scarecrow dahil malaki itong bukid mo?"
"Hindi na Doktor."
"Bakit naman?"
"Ang kalaban ko ngayon ay hindi mga ibon kundi mga magnanakaw. Maraming gumagapas sa aking palay kapag hinog na. Sa gabi nila ninanakaw."
"Kung ganoon, dapat pala ang ilagay mo ay panakot-magnanakaw."