Marami ang nagtaasan ng kilay samantala marami rin naman ang nalungkot tulad ng kanyang mga kabig at mga sipsip sa kanya.
Sa deklarasyon ni Prez Gloria tiyak ng mga kuwago ng ORA MISMO, na sangdamakmak ang babalimbing o kaya ay maglulundagan sa one party to another.
Pero bago ito hayaan muna natin bumati ang mga kuwago ng ORA MISMO, sa lahat ng mga kaibigan, naging kaaway, kakosa, ka-brother etchetera, echetera ng Happy New Year sa mga taong tumangkilik ng Pilipino Star NGAYON at bumabasa ng ORA MISMO. Thank You, Lord!
Tiyak ng mga kuwago ng ORA MISMO, sa mangyayaring baligtaran siguradong wala nang tigil ang bangayan sa pulitika lalot ilang sleep na lamang ay national election na.
Sana, huwag tayong makalimot kay Lord para huwag naman gaanong dumanak ang dugo sa magkakalabang partido kasi nga hudyat na ito ng tirahan at tiryahan ngayon taon dahil itong taong ito ang siyang magiging batayan ng mga taong may ambisyong pumalaot sa pulitika. Kaya sana huwag kayong malunod?
Hindi manghuhula ang mga kuwago ng ORA MISMO, kaya nagbibigay tayo ng maaring mangyari this year kasi dati ng ganito ang ating nararanasan bastat malapit na ang eleksiyon. Di ba, COMELEC Chairman Ben Abalos, Your Honor?
Pero sana huwag pabayaan ng gobyerno o mga sipsip kay Prez Gloria ang taumbayan ngayong alam na nilang hindi na siya bobotak sa 2004 kasi baka mawalan ng gana ang mga alipores ng una sa kanyang pahayag? At iwanan itong nakatunganga sa Malacañang?
Kawawa naman si Juan dela Cruz!
Bakit parang umatras yata si Prez Gloria sa 2004 election?" tanong ng kuwagong sepulturero.
Baka naramdaman hindi siya mananalo sa darating na eleksiyon?
Porke ba dumadausdos ang kanyang rating ay basta na lamang siyang aatras? anang kuwagong Kotong cop.
Ganyan sa pulitika parang sugal kung alam mong dehado ka tago mo na lamang ang pitsa mo at sayang lang, sabi ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
Eh, sa palagay mo sinu-sino ang tatakbo sa 2004?
Si Ping at Raul na lamang sa palagay ko.
Bakit mo nasabi iyon?
Sila lamang ang may kredibilidad sa bayan sa ngayon.
Palagay ko nga tama ka diyan, kamote.