Alam natin na ang buwis na ibinabayad ng taumbayan ang ginagamit ng pamahalaan upang tustusan ang mga gastos nito, kabilang na ang pagbibigay ng budget sa mga sangay nito. Ngunit sa mga nangyayaring iringan at debate sa usaping ito, iisa lang marahil ang dahilan: Walang pera ang pamahalaan.
Marami ang nadidismaya sa mga serbisyong pampubliko na inaasahan ng taumbayan sa pamahalaan. Kayat may dahilan sila kung bakit mas mabuti pang huwag na lang daw magbayad ng buwis, kung hindi rin lang maganda at sulit ang mga serbisyong matatanggap.
Ang katiwalian sa pamahalaan ay isa sa mga hadlang tungo sa kaunlaran. Hindi lingid ang kung anu-anong mga iskandalong nagsangkot sa ilan sa mga opisyales ng pamahalaan, kabilang na ang mga taong malapit kay President Gloria Macapagal-Arroyo.
Napapanahon na upang makiisa ang taumbayan sa pagsagip sa ekonomiya, na ngayoy nasa bingit na ng disgrasya dahil sa dami ng mga problemang hinaharap ngayon.
Hindi ko sinasabi na hindi nakikinig ang pamahalaan sa mamamayan, ngunit matatalikuran ba ang mga karaingan ukol sa kani-kanilang mga problema. May kaukulang solusyon ang bawat problema. Ngunit ang kailangang gawin marahil ng mga kinauukulan ay ibalik ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa pamahalaan ukol sa kapayapaan at bawasan, kundi man puksain, ang katiwalian sa lipunan. Sa 2003 sanay gumising na ang Pilipinas.