At hindi ligtas dito ang gobyerno ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Sa nangyayaring alingasngas sa Gabinete ni Mrs. Arroyo, hindi maiwasang makakita ng larawan ng pagiging tuko sa puwesto. At si Mrs. Arroyo na rin ang maaaring sisihin kung bakit nagkakaroon ng "tuko" sa kanyang administrasyon. Mayroon siyang "tinititigan" at "tinitingnan" na nagiging hadlang sa pagtatatag niya ng isang matibay na republika.
Mabilis umaksiyon si Mrs. Arroyo nang ipag-utos niya na imbestigahan si dating Education Sec. Raul Roco dahil sa pagkakasangkot nito sa katiwalian. Ang isang maganda ay hindi naging "kapit-tuko" si Roco at agad nagbitiw sa puwesto. Hindi rin naging "kapit-tuko" si Vice President Teofisto Guingona at nagbitiw bilang Foreign Affairs Secretary.
Mas mabigat magpasya si Mrs. Arroyo sa mga gusto niyang sibakin sa puwesto. Kamakailan ay sinibak niya sa puwesto si Environment Sec. Heherson Alvarez at Agriculture Sec. Leonardo Montemayor. Bigla rin niyang pinalitan si National Economic and Development Authority (NEDA) Dante Canlas. Nakalinya na rin umanong sibakin sa puwesto si Finance Sec. Jose Isidro Camacho at Interior Sec. Jose Lina.
Pero kung gaano kabigat sumiklab ang galit ni Mrs. Arroyo, wala rin namang kasing-lambot ang kanyang puso sa mga malalapit sa kanya. At ang kalambutan ng kanyang puso ay tila sinasamantala naman ng ilang "tuko".
Pinalawig pa ni Mrs. Arroyo ng 30 araw ang leave ni Justice Sec. Hernando Perez. Si Perez umano ang nag-request sa Presidente sa extension ng leave. At walang nakaaalam kung pagkatapos ng 30 araw ay makababalik si Perez sa puwesto o patuloy na i-extend. Maaaring makabalik si Perez sapagkat malambot nga ang puso ni Mrs. Arroyo.
May mga "kapit-tuko" sa puwesto at mayroon namang hindi. Resulta ito nang hindi pantay-pantay na pagtingin. Mayroong "tinitingnan" at "tinititigan".