Kung ang simbahan ang paniniwalaan, tuloy na naman ng ligaya ng mga jueteng operators sa probinsiya ng Pangasinan. Ayon sa survey na isinagawa ni Archbishop Oscar Cruz, halos lahat ng bayan sa Central Pangasinan ay nagbukas ng jueteng nitong nakaraang mga araw. Itinaon ng mga operators na nasa Rome si Cruz para nga hindi na siya mag-ingay ay maunsiyami nga ang kanilang negosyo. Pero sa ngayon, balik na naman ang krusada ni Cruz at sa tingin ko maraming opisyales ng pulisya at local government ang nasasaktan sa pagbubulgar niya.
Ayon naman sa text message na natanggap ko, ang operator ng jueteng sa Pangasinan ay ang isang Mayor Armand Sanchez na nakabase sa Southern Luzon. Tumitiba nang husto si Sanchez sa Pangasinan at hindi nagagalaw ang negosyo niya dahil na rin sa malakas siyang maghatag sa mga opisyal ng pulisya at local government, anang nag-text sa akin. Pero hindi lang pala sa Pangasinan nag-ooperate si Sanchez dahil sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas eh siya rin ang may hawak ng jueteng, aniya.
Kung talagang si Mayor Armand Sanchez nga ay involved sa jueteng, ano na lang ang ipinangalandakan ni Lina noon na lagot sa kanya ang mga opisyales ng pulisya at gobyerno na sangkot sa jueteng? Sa tingin ko sa ngayon pa lang ay nasa kamay na ni Lina ang kopya ng 10 pahinang survey na isinagawa ni Cruz kayat dapat umaksiyon na siya laban kay Mayor Sanchez. Yan ay para hindi maakusahan ang opisina niya na nakisawsaw na rin sa jueteng, di ba Atty. Morga Sir? Pero dahil nanatiling tahimik si Lina sa jueteng, naniniwala ang sambayanan na tumatanggap ang opisina niya ng weekly protection money sa jueteng at iba pang mga sugal, di ba Maj. Pretty Boy Gabriel at Insp. Savares?
Kaya naman siguro nawalan ng bayag itong si Lina na pag-ibayuhin pa ang jueteng campaign niya ay dahil sa mga balitang sisibakin na siya sa puwesto? Ilang pangalan na kasi ang umuugong na papalit sa kanya kahit abot langit naman ang pagsisigaw ng Palasyo na wala nang balasahan sa gobyerno ni President Arroyo. May balita pa na gagawing campaign manager ni GMA si Lina sa 2004 elections na sa tingin ng sambayanan ay isang palpak na desisyon ng Palasyo pag nagkataon. Kung bilang Interior Secretary daw ay hindi napasunod ni Lina ang pulisya at local government sa mga kautusan niya sa jueteng, eh hindi rin siya susundin ng mga ito na iboto si GMA sa 2004 elections? Maliwanag na magiging pabigat lang si Lina kay GMA, na ayon sa survey ay gumagapang na pababa ang popularidad sa masa.