Kahit hindi Pasko ay ganito na ang tanawin sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Karaniwan na lamang ang pagbubuhol ng trapiko at nakapagtataka na mas nagiging malala ang problema kapag may nagtatrapik na pulis o mga MMDA traffic enforcer. Sa halip na maging magaan ang daloy ng mga sasakyan, lalong bumibigat sapagkat walang kakayahan ang mga traffic enforcers.
Ang masinsinang pagtataboy sa mga sidewalk vendor ay isa sa mga paraan ni MMDA Chairman Bayani Fernando para mabawasan ang grabeng trapik. Subalit dapat pang umisip si Fernando nang pangmatagalang solusyon sa problema. Unahin niya ang pag-aalis sa mga walang kakayahan at abusadong traffic enforcers. Dapat malaman ni Fernando na marami sa mga traffic enforcers niya ang nagiging abala sa pangongotong kaysa sa pangasiwaan ang pagsasaayos sa trapiko. Nagiging "mabangis na buwaya" na ang mga MMDA traffic enforcers.
Silipin din ni Fernando ang napakaraming depektibong traffic light na isa sa mga dahilan ng pagbubuhol ng trapiko. At bigyang pansin ang napakaraming nakaparadang pampribadong sasakyan na halos kainin na ang kalsada. Ang ganitong tanawin ay makikita sa Binondo, Rizal at Recto Avenues, Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila. Ganito rin ang tanawin sa maraming lugar sa Metro.
Kailangang makipagtulungan ang MMDA sa Department of Transportation and Communications (DOTC) sa puwersahang pag-aalis sa mga kakarag-karag na sasakyan na nagdadagdag sa problema ng trapiko.
Bagamat ang MMDA ang may responsibilidad sa problema ng trapiko, dapat din namang makipagtulungan ang motorista. Hindi dapat pairalin ang pagiging abusado. Ang pagbibigayan ay dapat ipakita.