Baliktarin man ang mundo talagang naiiba ang Pasko sa Pilipinas. Sa pagpasok pa lang ng mga ber months ay panay na ang pagpapatugtog sa radyo ng mga Christmas carols. Napakahaba ng Pasko nating mga Pilipino (tumatagal hanggang katapusan ng Enero) at ayon sa isang kakilalang Muslim scholar, mas mahaba ang selebrasyon natin kaysa kanilang Ramadan.
Maligaya si Cecille Sumulong at mga anak na sina Frances at Leonard dahil makakapiling nila ngayong Pasko ang mister ni Cecille na nagtatrabaho sa Saudi Arabia. Marami pang kagaya nila Cecille na masaya ang Christmas sa pagbabalik-bayan ng mga OFW na mahal sa buhay. At sa pagdating ng mga bagong bayani ay tinaas ang remittances at nakabangon ang ating piso laban sa dolyar.
Naging panata na ng pamilya ni Dr. Antonio Talusan na dito sa Pilipinas magpasko. Si Dr. Talusan, world renowned Filipino nephrologist (espesyalista sa kidney) at napamahal sa masang Pilipino bilang founder-president-host ng TV program Kapwa Ko, Mahal Ko ay nagpapraktis ng medisina sa Estados Unidos. Nagki-klinika siya at naka-base sa Lubbock, Texas. Nauna nang dumating ang kanyang butihing maybahay na si Dra. Cellia Samson Talusan, isa ring nephrologist at endocrinologist at inayos ang kanilang tahanan sa La Vista, Quezon City para sa Christmas holidays. Apat ang anak nila na pawang mga babae at doktora. Si Eileen ay allergologist. Si Karen ay espesyalista sa pediatric at gastroenterology at ang kanyang asawang si Dr. Mark Soriano ay isang internist. May apat na anak na lalaki sila na nasa Texas. Tulad ng kanilang mga magulang, nephrologist din sina Janet at Yvette na siyang tanging naninirahan sa Pilipinas. Maybahay siya ni Dr. Rafael Tomacruz, isang gyne-oncologist at may cute silang 3-year-old daughter na si Patricia. Konektado si Yvette sa National Kidney Institute, Capitol Medical Center at Cardinal Santos Hospital.
Tuwing Pasko ay may family reunion ang mga Talusan. Sama-sama silang nagsisimbang-gabi sa parokya ng Maria dela Strada sa La Vista at kumakain ng puto bumbong, suman at kutsinta at sa noche buena ay ispesyal ang niluluto ni Doktora Talusan at ng kanilang loyalistang maid na si Tiling.
Tuwing Pasko ay dumadalaw, namamahagi ng mga regalo at libreng nanggagamot si Dr. Tony Talusan and his family of doctors sa kanyang hometown sa San Rafael, Bulacan. Nag-outreach program din sila sa Bataan na siyang sinilangan ni Dra. Talusan.
Sa kanilang pagbabalik sa USA ay babaunin nila Dr. Talusan ang magandang ala-ala ng pasko sa sariling bayan.
Sa mga Talusans at mga nagbabalik-bayang Pilipino binabati kayo ng BANTAY KAPWA ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon.