Marahil kaya rin malakas ang aking loob na isiwalat ang mga kabulukan sa ating lipunan ay dahil sa inyong mga sumbong. Kayo ang nagbigay nang lakas sa akin upang labanan ang mga taong may katungkulan sa ating pamahalaan upang maituwid nila ang kanilang pagkasilaw sa salapi at kapangyarihan.
Nais ko ring pasalamatan ang ating mga bagong bayani na nagtitiis sa ibayong bansa upang mag-akyat sa ating bayan ng dolyar. Mga OFW na patuloy sa kanilang pagsubaybay at pagtawag ng mga reklamo na kanilang nararanasan sa kanilang mga trabaho.
Itong mga nagkalipas na araw ay halos sabay-sabay na nagkaroon ng taonang Christmas party sa lahat ng sangay ng ating pamahalaan, at siyempre marami ang nagpabongga sa naturang okasyon. Naroon ang masasarap na pagkain at naglalakihang Christmas raffle.
Wow mga suki, halos hindi magkamayaw sa pagbuhat ang ilang masuwerteng nabunot sa naturang raffle, at abot langit naman ang ngiti ng ilang nagbidang opisyal, siyempre dito lamang nila maipakita na sila ay may damdamin rin. He-he-he!
Ngunit ang kasiyahang ito ay nagbigay sa akin ng kalungkutan ng ilang mga beterano ang lumapit sa akin upang ihingi ng puwang na maiparating sa ating pamahalaan ang pagdurusa ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa kanilang mga reklamo ay ang pagpapabaya ni Administrator Commodore Artemio R. Arugay, Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na mabigyan sila ng pansin sa kanilang mga pension.
Kabilang sa mga ito sina Mrs. Paz Noveno Morit, asawa ng namayapang Alejo Navarro Morit, Beteranong Volunteer Army of the United State of America (VAUSA), Mrs. Celia M. Tala ng yumaong Necomedez Tala ng Fairview, Quezon City.
Felicitas R. Reyes, Rebecca Balinton, Virgenia C. Puchero, Norma D. Aveno at Leonila M. Ordanza (anak ng yumaong Suficio Mislang). Ang kanilang hinaing ay bunsod sa kanilang naranasang nawala sila sa mga listahang pension o kayay tinanggal sila sa listahan ng PVAO.
Attention Administrator, wag mo namang pabayaan ang ating mga kawawang beterano, kung alam nyo lamang ang kalagayan sa kasalukuyan. Halos karamihan po sa kanila ay nakaratay na sa banig. Karamihan po sa kanila ay may sakit na tuberculosis (TB) at paralisado na halos ang buong katawan.
Bigyan mo naman sila ng kasiyahan, ibigay mo na ang nararapat na kailangan nila upang kanila naman matamasa habang sila ay nabubuhay.
Sayang ang pangako ni President Gloria Macapagal-Arroyo nang siya ay magtalumpati sa harapan ng mga beterano noong nagdaang Heroes Day sa Batasan. Halos lahat ng mga beterano ay nag-iiyak sa tuwa dahil sa pangako ni President Arroyo na kanyang ibibigay ang pangangailangan nila.
Ngunit ngayong Pasko sila ay umaasa na sanay maalala niya ang kanyang pangako.