Trahedya bago ang Noche Buena

NANGYARI ang trahedya walong oras bago dumating ang Noche Buena kung saan ang lahat ay abala sa paghahanda at pagbili ng regalo para sa araw ng Pasko. Si Flora kasama ang kapitbahay niyang si Mila at ang anak nitong si Aida, ay nagtungo sa Baclaran ng hapong yaon. Sa pag-ilaw ng pula ng trapiko para sa mga sasakyan, sinimulan na nina Flora na tumawid ngunit isang MMTC bus blg. 033 ang matuling tumatakbo para malampasan ang pulang ilaw. Nahagip si Flora: Nagpumilit si Mila at drayber ng bus na dalhin si Flora sa ospital. Makalipas ang isang linggo, namatay si Flora.

Ang asawa ni Flora at ang mga anak nito ay nagsampa ng kaso laban sa MMTC bus at sa drayber nitong si Alex dahil sa paglabag sa batas trapiko, walang-ingat at walang pakundangang pagmamaneho pati na rin ang kawalan ng konsiderasyon sa kaligtasan ng iba.

Itinanggi ng MMTC at ni Alex ang pananagutan sa aksidente dahil ang biktima raw ang nagpabaya. At dahil walong oras na lamang bago ang Noche Buena, ito raw ang iniisip ni Flora nang siya ay tumawid sa maling tawiran at nang nasa berde pa ang ilaw trapiko. Inamin din ni Alex na hindi niya nakita si Flora pati ang mga kasama nito. Sa kabilang banda, iginiit ng MMTC na nagsikap daw itong pumili at mangasiwa ng mga drayber lalo na sa mga alituntunin sa kaligtasan. Kasabay nito ay nagsumite ang MMTC sa korte ng mga kopya ng gabay sa pagpili ng mga drayber at ang mga malimit nilang seminar tungkol sa mga kaligtasan sa daan. Ang pagdadala raw ni Alex kay Flora sa ospital ay isang repleksyon ng masikap na pagpili at pangangasiwa nito sa mga empleyado. Tama ba ang MMTC at si Alex?

Mali.
Walang ebidensiya na susuporta na ang isip ng biktima ay nakatuon sa Noche Buena nang ito ay tumawid. Hindi maaaring sabihin na ang naaksidente ng isang sasakyan sa araw bago mag-Pasko o kahit na anong pista opisyal ay nagpabaya dahil ang isip ay nakatuon dito. Sa halip, ayon sa rekord, ang MMTC bus ay minamaneho ng walang-ingat. Ang pag-amin din ni Alex na hindi niya nakita ang biktima at ang mga kasamahan nito ay nagpapatunay na wala siyang pag-iingat sa pagmamaneho.

Para makaligtas sa pananagutan ang MMTC, kailangan nitong salungatin ang pinapalagay ng batas na ito ay nagpabaya sa pagpili at pangangasiwa ng empleyado. Subalit nabigo ang MMTC na ito ay salungatin. Ang pagdala ni Alex sa ospital ay isang akto matapos ang kanyang kapabayaan. Hindi malayang dinala ni Alex ang biktima bagkus pinilit pa siya ni Mila. Ang mga alituntunin at ang mga seminar ng MMTC ay hindi magpapatunay ng pagsisikap nito sa pagpili at pangangasiwa ng mga empleyado. Walang ipinakita na sumailalim si Alex sa nasabing seminar at sumunod sa mga nasabing alituntunin.

Kaya, ang MMTC ay una at direktang mananagot sa mga pinsalang idinulot ng drayber nito ayon sa Artikulo 2180 ng Kodigo Sibil, kung saan ito ay masisingil hindi lamang para sa sariling mga kilos, kundi para rin sa kilos ng ibang tao. (Metro Manila Transit Corp. et. al. vs. Court of Appeals et. al. G.R. 141089 August 1, 2002).

Show comments