Pagkatapos ng EYMF ay ang Lualhati Foundation naman ang nagsasabog ngayon ng kontrobersiya. Nahalungkat ang tungkol sa Lualhati dahil sa mga pinasabog na akusasyon ni Bulacan Rep. Willie Villarama at Manila Rep. Mark Jimenez laban kay First Gentleman Mike Arroyo. Nagbigay umano ng P8 milyon si Jimenez sa Lualhati noong 1999. Ngayoy nakatingin na ang Securities and Exchange Commission sa foundation at balak magharap ng multa dahil sa hindi nito paghaharap ng financial statements sa loob ng siyam na taon.
Ang Lualhati Foundation ay pinamumunuan ni Edgardo Manda, general manager ng Ninoy Aquino International Airport. Inamin ni Manda at maging ni FG Arroyo na tumanggap ang foundation ng P8 milyon mula kay Jimenez subalit ito anila ay lehitimong donasyon para sa kawanggawa. Wala umanong string attached.
Sinabi naman nina Villarama at Jimenez na ang pera ay suhol. Kung suhol para saan ay ito ang malaking katanungan. Pinaninindigan ng dalawang kongresista ang kanilang akusasyon laban kay FG Arroyo. Habang patuloy ang pagbabatuhan ng akusasyon, natutuliro naman ang taumbayan kung sino nga ba ang kanilang paniniwalaan. Ang pagbabangayan ay nakadaragdag sa nararamdamang kahirapan.
Sa pagkakahalungkat sa Lualhati Foundation ay sari-saring ispekulasyon na naman ang naglalabasan, wala rin itong ipinagkaiba sa Erap Youth Foundation na kababakasan ng corruption. Kahit na sinabi nina FG Arroyo at Manda na ito ay para sa kawanggawa at itinatag noon pang Vice President si President Gloria Macapagal-Arroyo, hindi madaling mapaniwala ang taumbayan. Marami ang nagdududa.
Nararapat magsagawa ng imbestigasyon ang Senado tungkol sa Lualhati Foundation para lumabas ang katotohanan. Hindi dapat mauwi sa wala ang imbestigasyon dito. Kailangang malaman kung sa kawanggawa nga ba napupunta ang donasyon o sa bulsa lamang ng mga nilalang na walang kabusugan sa pera.