Mula sa 18 porsiyentong satisfactory rating kasi ni GMA, bumaba ito sa kasalukuyan sa 6 percent na ikinabahala ng mga nasa paligid ng Presidente. Ayon sa mga mahihirap, hindi dapat terrorist jitters ang iturong dahilan sa biglang pagbagsak ng ratings ni GMA kundi sa mga taong nakapaligid sa kanila na sugapa sa pera. Pero itinutuwid ko na hindi nila tinutukoy dito si First Gentleman, ha? Kasi hindi naman terorista si Mike, di ba mga suki? Pinanindigan naman ng mga mahihirap na nakausap ko na dapat si Sir Mike ang sisihin ni GMA sa pagbaba ng rating niya. Ang gulo no?
Kung sabagay, tahasang itinatwa ni Mike na may kinalaman siya sa lahat ng pinagbibintang sa kanya ng mga oposisyon. Baka naman mahina lang ang media consultant ni Sir Mike at sobrang magaling naman ang nasa Oposisyon kayat nakumbinsi nila ang mahihirap na maniwala sa mga pakulo nila? Puwede, di ba mga suki?
Kasi kahit namamaos na ang boses ni Sir Mike sa pagsisigaw na wala siyang masamang intensiyon kundi tulungang makaahon ang ekonomiya ng bansa sa pakikialam niya eh walang naniniwala sa kanya. Bakit?
Sa ganang akin naman, dapat pag-aralan ni Sir Mike ang sistema ng asawa ni dating Prime Minister Margaret Thatcher ng England kung saan malayang nanungkulan nga ang huli na ni minsan man ay hindi nadungisan ang pangalan niya. Ika nga matagumpay na itinago ni Thatcher ang kanyang asawa sa closet kayat hindi naeskandalo ang kanilang pamilya. Maaaring marami na ang nagsabi kay Sir Mike na gayahin niya ang asawa ni Thatcher pero sa tingin ko hindi niya pinansin ito, di ba mga suki?
Kung ayaw ni Sir Mike na mag-self exile dapat sigurong sa mga golf tournaments na lamang niya ibuhos ang panahon niya. Sa larangan kasi ng sports eh konti lang ang kontrobersiya, tama ba ako dito mga suki?