Tumindi ang tungkol sa Impsa nang ipahayag ni dating President Erap Estrada na binigyan siya ng $14 milyon upang pirmahan niya ang nasabing kontrata ngunit tinanggihan niya ito. Subalit ipinipilit naman ng mga opisyal ng Arroyo Administration na natuloy ito noong panahon pa ni Estrada. Hanggang ngayon ay ito pa rin ang pinagtatalunan at pinagbabangayan.
Di nga ba naging paksa na rin ang Impsa nang idinadawit si Justice Secretary Nani Perez na diumano ay tumanggap ng $2 milyon bilang komisyon nito sa Impsa na unang ipinahiwatig sa expose ni Bulacan Representative Willie Villarama.
Sumasakay naman ang mga senador sa kontrobersiyang ito. Kapansin-pansin ang pag-iral ng pulitika dito. Pilit na iharap ng mga miyembro ng oposisyon sa senado si Estrada upang personal na ibulgar ang nalalaman niya tungkol sa Impsa. Bantulot naman ang mga taga-administrasyon at tinututulan nila ang pagharap ng dating Presidente. Ewan kung coincidence lamang subalit hindi nakarating si Estrada noong nakaraang Lunes, ang araw na nakatakdang humarap siya sa senado dahil sa umanong problema ng komunikasyon sa pagitan ng senado, PNP at Sandiganbayan.
Sobra na ang ginagawang ingay ng kontrobersiyang ito. Nakukuliglig na ang taumbayan. Sa halip na pagtuunan ng pansin ng ating mga pinuno ang kay daming problema ng bansa, ang inaatupag nila ay ang magdikdikan, magsiraan at maghanap ng paraan upang makalusot. Puwede ba mga pulitiko, deretsahan na lang kasuhan sa Korte ang may mga kasalanan. Bibilib pa sa inyo ang taumbayan.