Nasaksihan at naging biktima mismo ang ating mga kababayan ng mga karahasan na naganap sa ibat ibang panig ng bansa isang matibay na dahilan upang lumayo at iwasan ng mga dayuhang negosyante.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang binabalaang huwag puntahan ng mga dayuhan dahil sa problemang pulitikal at pang-kaayusan. Pinagbabawalan ang mga dayuhan na magtungo sa Pilipinas. Maraming bansa ang nagpalabas ng kanilang travel advisory.
Hindi namang maiwasang magreklamo ng gobyerno sa mga bansang kaugnay dito, lalo na ang Canada at Australia, dahil sa pagsara ng kanilang mga embahada kamakailan.
Ngunit kung hindi naman talaga mabibigyan ng pamahalaan ng seguridad ang mga embahada, hindi tayo dapat magreklamo.
Ang problemang pang-kaayusan ay isa sa mga pangunahing paksang tinalakay ko sa isang pulong ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa Manila Hotel noong nakaraang Martes.
Mismong si PNP Chief Gen. Hermogenes Ebdane, Jr. na kasama ko sa nasabing pulong sa pagpahayag ng panig ng pulisya patungkol sa nasabing problema. Ayon kay Gen. Ebdane may mga pagbabago nang naganap sa peace and order situation.
Malaki man ang mga pagbabagong nabanggit, nananatili pa rin ang katotohanan na kailangang maibalik ng pulisya, at ng pamahalaan, ang tiwala ng ating mga lokal at dayuhang mga negosyante upang mabago at mapabuti ang kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya ng Pilipinas.
Sa madaling salita, kailangan pang pag-ibayuhin ng ating mga kinauukulan ang kampanya ng pamahalaan laban sa krimen at katiwalian, at pagtibayin ang pagpapatupad ng batas at pagbibigay ng hustisya para sa mga biktima ng karahasan. Ito ang isa sa mga matinding hamon na hinaharap ng ating pamahalaan sa pagpasok ng Bagong Taon.