Nabawasan na naman ng isa ang training jet ng PAF makaraang mag-crashed ang isa pa sa Sto. Tomas, Batangas noong Huwebes na ikinamatay ng tatlo katao at sumugat sa 10 iba pa. Namatay ang mga pilotong sina 1Lt. Ramon Vincent Ong at 1Lt. Delfin Francisco at ang computer company employee na si Reynante Bautista. Ang S-211 jet ay nanggaling sa Sangley Point, Cavite at nagsasagawa ng "proficiency flight" nang magkaroon ng problema ang makina nito. Mabilis na nawala sa altitude ang jet at bumulusok sa bubungan ng Ebiden Philippines Inc., isang computer company na nasa compound ng First Philippine Industrial Park sa Bgy. Sta. Ignacia. Nasunog ang katawan ng dalawang piloto samantalang ang empleado ay nagtamo ng second degree burns. Isa sa mga piloto ay nakatakda nang ikasal kung hindi naganap ang malagim na trahedya.
Hindi pa natatagalan nang bumagsak sa Manila Bay ang isang Fokker plane na pag-aari ng Laoag International Airport (LIA) na ikinamatay ng maraming pasahero. Isinisi ang pagbagsak dahil sa kalumaan umano ng eroplano. Hanggang sa kasalukuyan wala pang malinaw na imbestigasyon sa kaso ng LIA. Patuloy namang naghahanap ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.
Ang patuloy na paglipad ng mga "kabaong" ay dapat nang imbestigahan ng mga awtoridad. Bakit sa kabila na marami nang nagaganap na trahedya ay hindi nagsasagawa ng mahigpit na kautusan ang ATO? Kapag may bumagsak na eroplano saka lamang magsasagawa ng imbestigasyon subalit kapag nakalipas na ay wala na namang nangyayari. Pakitang tao lamang ang lahat.
Ang pagbagsak ng S-211 jet ng PAF ay dapat magbukas sa isipan ng gobyerno. Tingnang mabuti kung ang mga jet ay karapat-dapat ba talagang lumipad o maghahatid lamang sa hukay ng mga piloto. Tiyakin kung may kakayahan pa ba ang mga ito na makipagsabayan sa mga kalaban o dapat nang ibasura na lamang. Huwag sayangin ang pera sa pagbili ng mga dispalinghadong attack plane. Hindi na dapat payagang lumipad ang mga "kabaong".