Pagmamahal ng ama

KUNG tungkol sa pag-aaruga sa bata ang pag-uusapan, laging minamahalaga ang kabutihan ng bata. Kaya kung minsan, ang pagpapalaki ng bata ay naibibigay sa mga taong may kakayahan maliban sa sariling magulang. Ngunit hindi ganito ang ating kaso ngayon. Alamin natin kung bakit.

Si Lina ay nag-iisang anak nina Mang Lando at Inang Mila na parehong maagang nag-retiro sa kanilang trabaho. Ang kanilang anak ay mahal na mahal ng mag-asawa, kaya’t nang ito ay umibig kay Frank na isang laborer ay hindi man lamang sila tumutol. Dahil ayon sa kanila, sa mga ari-ariang naipundar at perang naipon ay kaya na nilang buhayin ang anak at magiging pamilya nito.

Pero nang manganak si Lina ay sinamang-palad siyang mamatay dahil sa hemorrhage. Kaya ang isinilang na anak na lalaki ay pansamantalang nakapisan sa mga lolo at lola nito. Dahil ayaw maging pabigat ni Frank sa mga biyenan, umalis siya at naghanap ng trabaho upang makuha ang anak at tuluyang siya ang magpalaki rito. Makalipas ang tatlong buwan ay binalikan ni Frank ang anak kina Mang Lando at Inang Mila. Pero ang mga ito ay tumangging ibigay sa kanya ang sariling anak. Makuha kaya ni Frank ang pagkupkop sa anak?

Ayon sa Hukuman, dahil ang ama ay parental authority sa anak, nararapat lamang ipagkaloob ang pagkupkop dito. Kahit mas mabibigyan ng mga lolo at lola nang magandang kinabukasan ang apo, mas matimbang pa rin ang nabanggit na karapatan ni Frank.

Dagdag pa rito, ang pagiging mahirap ay hindi sapat na batayan upang ang karapatang mag-aruga sa anak ay ipagkait sa sariling magulang. (Cunanan v. Reyes, L-7710-R, Feb. 7, 1952; Bacayao vs. Calun, 53 O.G. 8607)

Show comments