Babala sa mga gumagamit ng KABATAS car plates (Part3)

ANIM na miyembro ng KABATAS Press ang nahuli sa Binondo, Maynila sa isinagawang operasyon ng Traffic Management Group (TMG) at ng BITAG Investigative Team.

Agad naming tinungo ang tanggapan ng sinasabing presidente ng KABATAS Press na si Bennie Lim. Pero imbes na KABATAS headquarters ang aming madadatnan, isang tindahan ng baterya ng sasakyan ang aming natagpuan.

Dito namin nakausap ng harap-harapan si Bennie Lim at ilang mga alipores nito, kung saan isang ‘hunghang’’ ang nagtangkang pumapel para ipagtanggol ang kanilang raket at ang kanilang amo.

Ngunit binalatan nang buhay ng BITAG ang lalaking ito kaya’t hindi na nagawang makahirit pa.

Bandang huli, mismong si Bennie Lim na ang nanawagan sa harap ng camera ng BITAG. Dito ay tahasan niyang iniutos na baklasin na kaagad ang mga KABATAS car plates.

Nagmukha mang ‘‘kenkoy,’’ mismo ang naturang pangulo ng KABATAS Press ang nagbawal sa mga miyembro ng paggamit ng KABATAS car plates.

Panoorin sa Sabado ang detalyado at malalim na imbestigasyon na ginawa ng BITAG at kung paano namin tinanggalan ng ngipin ang ilegal na operasyon ng KABATAS Press.
* * *
Sa mga opisyal ng Caloocan City Police Station, makinig kayo!

Kung may ambisyon kayong maging Best Police Station, siguraduhin n’yo lang na kaya n’yong gampanan at panindigan. Tiyakin n’yong wala kaming naaamoy na bantot o nakikitang pagkukulang man sa inyong balwarte.

Maaaring natunugan ninyo kamakalawa na darating ang grupo ng BITAG upang isagawa ang operasyon d’yan sa sementeryo, kung saan matatagpuan ang mga bubot na kabataang nagbebenta ng panandaliang aliw.

Ayon sa aming impormante, ang mga ito’y nabibili sa halagang P200-500 ng mga parokyanong umano’y phedophiliang Chinoy.

Kung naamoy ninyo ang aming operasyon, titingnan namin kung magagawa n’yong matunugan rin ang aming mga susunod na gagawin. Ito’y may kinalaman sa inyong pamamalakad na sugpuin ang mga abnormalidad sa inyong lugar.

Bantayan n’yo ’yang sementeryo at siguraduhin ninyong di babangon ang mga patay, gawa ng nasasaksihan nila ang mga nagaganap na kababalaghan at kababuyan.
* * *
Para sa mga tips, reklamo’t sumbong, tumawag o mag-text sa mga numerong ito: (0918)934-6417 at telepono 932-5310/932-8919. Makinig sa DZME 1530 kHZ, Lunes hanggang Biyernes, 9:00-10:00 ng umaga. Manood tuwing Sabado, 5:00-5:30 ng hapon, ABC-5.

E-mailus: bitagabc_5@yahoo.com or bahalasitulfo@hotmail.com

Show comments