Babala sa mga gumagamit ng KABATAS car plates (Part 2)

IISA ang estilo ng mga miyembro ng KABATAS Press. Kapag nahuli sa lansangan, agad na tatawagan ang kanilang padrino sa cellphone na opisyal ng nasabing organisasyon.

Napatunayan namin ito nung isinagawa ng Traffic Management Group (TMG) sa tulong ng BITAG ang aktuwal na operasyon sa bahagi ng Binondo, Maynila.

Nabibili ang plaka ng KABATAS Press sa ilang mga miyembro o opisyales nito sa halagang P5,000 to P2,500, depende sa pangangailangan ng nagbebenta. Kasama na rito ang ID na kung saan pinangangalandakan ng mga ito ang ilang mga matataas na opisyal ng alagad ng batas na nakapirma "kuno".

Nasa ID nila ang pangalan at lagda nina PNP Chief Hermogenes Ebdane Jr. at NAPOLCOM Vice Chairman Rogelio Pureza. Pero agad namang itinanggi ng mga nabanggit na opisyal na wala silang kinalaman dito, at sa halip ay "isinuka" ang kanilang organisasyon sa harap ng aming video camera.

Nanawagan si General Pureza na baklasin ng mga miyembro ng KABATAS Press ang mga illegal na plaka dahil siya mismo’y naging biktima ng naging raket na ito sa Baguio City.

Malas ng mga nagpanggap na miyembro na natiyempuhan ng driver ni Gen. Pureza na ginamit ang kanyang pangalang nakasulat mismo sa plaka. Nabuking ang mga bastardong miyembro dahil ayaw magbayad ng parking fee kung kaya’t nakatawag ito ng pansin.

Si General Pureza mismo ay nagsalita sa harap ng video camera ng BITAG para kay General Ebdane upang pabulaanan na hindi sila miyembro ng KABATAS Press. Huling-huli ang pagsisinungaling ng organisasyong ito.
* * *
Mabilis pa sa alas-kuwatro, agad naming tinungo ang tanggapan ni Press Undersecretary Bobby Capco dahil pati ang pangalan ng Malacañang ay kinaladkad ng ilang miyembro na nakausap namin mismo sa cellphone.

Ito’y matapos naming matuklasan sa mismong baluwarte namin, sa parking lot ng BITAG Headquarters, ang isang miyembro ng KABATAS kung saan tumawag agad sa isa sa mga direktor.

Nakausap ko mismo ang nasabing director at ipinagmalaki nito na ang kanilang headquarters daw ay sa loob ng Malacañang. Pero nung sinundan ko ito ng walang patid na tanong, kanyang nilinaw na hindi sa loob ng Malacañang kundi sa may Malacañang compound.

Pati ang presidente ng National Press Club na si Louie Legarta ay hindi kinikilala ang KABATAS Press. Aniya, "marami na kaming natatanggap na reklamo laban sa pekeng mediang ’yan."

Lahat ng inyong mababasa ngayon ay dokumentado sa pamamagitan ng mga video footages na inyong mapapanood ngayong Sabado sa BITAG.
* * *
Para sa mga tips, reklamo’t sumbong, tumawag o mag-text sa mga numerong ito: (0918)9346417 at telepono 9325310/932-8919. Makinig a DZME 1530 kHZ, Lunes hanggang Biyernes, 9:00-10:00 ng umaga. Panoorin ang BITAG tuwing Sabado, 5:00-5:30 ng hapon, ABC-5.

E-mail us: bitagabc_5@yahoo.com/bahalasitulfo@hotmail.com

Show comments